PBBM Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Tsinong ‘socmed’ influencers isinusulong anti-PBBM, pro-VP Sara balita

14 Views

ISANG network ng Chinese-linked social media accounts ang aktibo umanong nagpapakalat ng paninira kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at papuri naman kay Vice President Sara Duterte.

Sa pagdinig ng tri-committee noong Martes, inilahad ni Niceforo Balbedina II ng PressOnePH ang mga impormasyon kaugnay ng operasyon ng Foreign Influence Operations (FIO) at Foreign Information Manipulation and Interference (FIMI) sa Pilipinas.

Sinabi niya na ang Chinese state media ay masigasig na nagkakalat ng mga mapanlinlang na kwento tungkol sa gulo sa West Philippine Sea (WPS), habang kasabay nitong pino-promote ang mga social media content na may kaugnayan kay VP Duterte.

“Kasagsagan ng March hanggang July, meron po kaming monitor na Chinese state media na actively po na nagso-sow ng iba’t ibang at mga kuwestyonableng impormasyon tungkol sa sigalot sa West Philippine Sea,” ayon kay Balbedina.

“At ito po ‘yung pinaka-latest na meron po kami nahukay na pro-China na network of X accounts na nagsususog ng anti-Philippine sentiment, habang nagpu-push ng content related po kay Vice President Sara Duterte,” ayon pa rito.

Tinukoy ni Balbedina ang China Daily, ang pinakamalaking English-language newspaper, at ang TikTok affiliate nitong Media Unlocked bilang ilan sa mga pinagmumulan ng artificial intelligence (AI)-generated disinformation content.

“Dito po sa channel na ito, nag-upload po sila ng mga videos na gumagamit ng AI at na-questionable po ang content,” paliwanag nito.

Ibinunyag pa niya na matapos maglathala ang PressOnePH ng mga investigative story na nagbunyag sa channel, ito ay dinagsa ng mga negatibong komento mula sa mga Pilipino, na nagresulta sa pag-aalis nito. Subalit, mabilis itong muling sumikat at nakakuha ng milyon-milyong followers kahit na wala namang laman.

Binanggit ni Balbedina na marami sa umano’y mga tagasubaybay na ito ay mula sa mga Spanish-speaking countries at walang interes sa WPS, na nagdulot ng mga pagdududa na sila ay mga bot o binili mula sa mga online growth services.

“Possible hong nabili ho siya sa mga online growth services. So hindi po siya, hindi siya totoo ang accounts na in a sense na hindi siya totoo na ‘yung pag-interact doon sa issue na ‘yun,” paliwanag pa niya.

Natuklasan na ang network ng mga account, na karamihan ay aktibo sa X (dating Twitter), ay sistematikong nagpopost ng mga pag-atake kay Pangulong Marcos Jr. habang pinalalakas ang interaksyon patungkol kay VP Duterte.

“Chinese in nature ‘yung accounts, pero ‘yung sina-share po nila ang picture, may Tagalog na mga kataga,” paliwanag pa Balbedina.

Isa sa nakakaalarmang natuklasan ay ang muling paglutang ng debunked “polvoron” video na nagpapakita sa umano’y paggamit ng pangulo ng droga.

“So ‘yun, yes ‘yung po ‘yung tamang term din ni-resurface, ni-recycle po nila ‘yung polvoron issue during itong mga panahon po na ito as a reaction to the signing of the landmark laws,” ayon pa sa kumpirmasyon ni Balbedina.

Ibinunyag ng mga imbestigador ng PressOnePH ang 107 kahina-hinalang account noong Pebrero 4, 2025, na naglalathala ng mga sentimyentong laban sa mga Pilipino, kung saan marami ay may pangalang Chinese at sabay-sabay na ginawa.

“Meron po kaming nai-identify na 107 accounts as of 11 a.m. this morning na nagpapakalat ng mga anti-Philippine sentiment on Twitter. ‘Yung mga accounts po nito, ‘yung iba sa kanila, Chinese ang pangalan. Karamihan sa kanila, sabay-sabay ginawa,” wika nito.

“‘Yung posting activity po nila ay very reactionary sa oras at sa development sa ating bansa. So for example ‘yung polvoron video, sobrang dami po nilang beses nilabas ‘yun. Right after napirmahan ‘yung maritime zones law at ‘yung baselines law,” paliwanag pa ni Balbedina.

Bukod sa pag-atake sa pangulo, ipinapakalat din ng network ng Chinese-linked accounts ang mga content na bumabatikos sa partisipasyon ng US sa WPS at inilalarawan ang mga hakbang ng Pilipinas na ipaglaban ang kanyang soberanya bilang isang “proxy war” na pinapalakad ng Estados Unidos.

“Anti-Philippine sentiments po. Against West Philippine Sea efforts ng Pilipinas and against our President,” giit pa ni Balbedina.

Ang parehong network ng Chinese-linked accounts ay aktibong nag-promote ng mga content na pabor kay Duterte, na mula sa dalawang pangunahing news article—isa mula sa Rappler noong Agosto 8 at isa mula sa Philstar noong Agosto 10–kung saan pinuna ni Duterte ang administrasyon ni Marcos at nagbigay ng mga kontrobersyal na pahayag tungkol sa pera, illegal drugs at pagpa-party.

Ang dalas ng mga post na ito ay tila tumutugma sa mga negatibong balita tungkol kay Duterte.

“At lumalabas po ‘yung mga tweets nilang ‘yun kasi sabay na mga development sa hearing po ng Quad Comm. So lumabas ‘yung tweets nila noong na-implicate ‘yung ilang family members ng Duterte family sa isang drug case. Tapos lumabas ulit nang sabay-sabay ‘yung tweets noong na-implicate naman ‘yung DepEd (Department of Education) and OVP (Office of the Vice President) sa funds,” pagbubunyag pa ni Balbedina.

Bunsod ng mga foreign disinformation efforts, ang social media platform na X ay pansamantalang ni-restrict ang ilang Chinese-linked accounts na may coordinated attack sa pangulo.

Gayunman, 24 lamang mula sa 107 natukoy na accounts ang permanenteng naalis.

Natuklasan din ng mga imbestigador ang mga ebidensya ng pekeng paggawa ng account, dahil ang ilang mga nasuspindeng account na may kaugnayan sa China ay may mga profile photo na stock images o mga larawan na ginawa gamit ang AI.

“A quick Google reverse image search of the profile photo used by one of the accounts flagged by PressOnePH revealed that it was a stock photo previously used in advertising,” ayon pa sa ulat ng PresOnePH.

Sa kabila ng mga suspensyon, nakakahanap umano ng paraan ang coordinated pro-China network upang malusutan ang mga platform restrictions.

“Bumalik din po sa TikTok ‘yung original nilang accounts na una pong pinasara. Binura po nila ‘yung secondary account na well na may followers kahit walang content. Pero ‘yung original account, tinanggal na po doon ‘yung mga videos tungkol sa West Philippine Sea,” saad pa ni Balbedina.