Tubig pinalabas mula Ambuklao, Binga Dam

303 Views

BINUKSAN ang ilang gate ng Ambuklao at Binga Dam sa Benguet nitong Linggo ng umaga para magpalabas ng tubig, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Ayon sa Pagasa, alas-8 ng umaga, bukas ang dalawang gate ng Ambuklao Dam sa 0.8 metro o kabuuang 155.71 cms.

Ang reservoir water level (RWL) ng Ambuklao Dam ay nasa 751.86 meters, malapit sa 752-meter normal high water level (NHWL).

Tatlong gate naman ng Binga Dam ang binuksan din ng alas-8 ng umaga nitong Linggo.

Binuksan ang mga gate sa 1.3 metro o kabuuang 257.61 cms.

Ang RWL ng Binga Dam ay nasa 574.45 metro ng alas-8 ng umaga, na malapit sa 575-meter NHWL o spilling level.

Sinabi ng Pagasa, magdadala ng pag-ulan sa buong bansa ang Southwest Monsoon (Habagat) at trough ng Severe Tropical Storm Danas (dating Bising) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).