Calendar
Source: Philippine Embassy in Israel FB file photo
Tugon na may koordinasyon vs krisis sa ME isinusulong
ITINULAK ni Sen. Sherwin Gatchalian noong Martes ang coordinated response sa mga panganib sa ekonomiya dulot ng sigalot sa Middle East na kinasasangkutan ng United States, Israel at Iran.
Sa hearing ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) committee, sinabi ni Gatchalian na susukatin ng panel ang kahandaan ng mga ahensya ng pamahalaan sa posibleng pagkaantala sa energy supply, inflation, employment at iba pang mahahalagang sektor habang bumubuo ng national contingency plan.
Itutulak din ng komite ang mga policy measure mula sa executive at legislative branches upang mabawasan ang epekto ng krisis sa mga Pilipino, ayon sa senador.
Sinabi ni Sen. JV Ejercito na hindi dapat makaligtaan ng pamahalaan ang middle class at binanggit na marami sa kanila ang hindi tumatanggap ng ayuda ngunit sila ang sumasalo sa tumataas na gastos sa transportasyon, pagkain, at kuryente.
Nanawagan si Deputy Minority Leader Senator Risa Hontiveros ng agarang hakbang upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis at matulungan ang mga Pilipinong napipilitang umuwi dahil sa sigalot.
Sinabi ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na inilalantad ng krisis ang matagal nang kahinaan ng sistema ng pagkain at enerhiya ng bansa.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, tumaas ang crop at poultry output noong 2025 ngunit bumaba ang livestock at fisheries kabilang ang 11.6 percent na pagbagsak ng produksyon ng galunggong.
Sinabi rin niya na mahigit kalahati ng energy supply ng bansa ay nanggagaling pa rin sa imported na coal at oil.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, dapat kumilos ang mga ahensya ng pamahalaan ng may agarang pagtugon at kilalanin na ang bansa ay nasa gitna na ng krisis.
Aniya, dapat tukuyin ng pamahalaan kung alin sa continuing appropriations sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act ang maaaring gamitin upang tugunan ang sitwasyon.
Iminungkahi niya sa National Economic and Development Authority na pag-aralan ang epekto ng pagtanggal ng 12 percent value-added tax sa piling produkto gaya ng noodles, local canned goods at over-the-counter medicines.

