Calendar

‘Tulak’ nabuking sa Taguig drug bust, dinampot sa harap ng bahay
MAHIGIT P.8 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya sa 44-anyos na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya Martes ng hapon sa Taguig City.
Kaagad dinakma ng mga tauhan ni Taguig Police Chief P/Col. Joey Goforth si alyas “Gilbert” sa harap mismo ng kanyang bahay sa Brgy. West Rembo nang tanggapin ang P4,500 na markadong salapi, kapalit ng ibinentang isang medium size na plastic sachet ng shabu sa pulis na nagpanggap ng buyer.
Sinabi ni Goforth sa kanyang ulat kay Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Joseph Arguelles na bukod sa ibinentang shabu, nasamsam din nila sa suspek na kabilang sa high value individual (HVI) ang kabuuang 123.3 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P858,840.00 at ang markadong salapi na kinabibilangan ng isang tunay na P500 at apat na piraso ng tig P1000 boodle money.
Isinumite na ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Taguig police sa SPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang droga habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act o R.A.9165 laban sa suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office.