Gatchalian1

Tulfo: 1–2 senador sa minorya hinihikayat lumipat sa Gatchalian bloc

61 Views

SINABI ni Senador Erwin Tulfo sa panayam sa Gising Pilipinas sa DZMM na may isa o dalawang senador mula sa minorya na hinihikayat na sumama sa grupong sumusuporta kay Acting Senate President Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Tulfo, nagpapatuloy ang panghihikayat sa ilang senador na lumipat, bagama’t sinabi niyang walang malaking galaw na inaasahan habang naka-sine die break ang Senado.

“Pagkarinig ko may kumbinsi sila, isa o dalawa katao sa minority na lumipad ka na,” sabi ni Tulfo.

“So ongoing ang tinatawag na paghihikayat doon sa ilang member ng minority,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na maaaring nag-uusap-usap ang mga senador na magkakaibigan o malapit sa isa’t isa upang hikayatin ang ilang kasamahan na sumama sa Gatchalian bloc.

Binanggit niya ang pagdalo ni Senador Francis “Chiz” Escudero sa sesyon na nagbigay-daan upang makabuo ng quorum ang kapulungan, at sinabing hinikayat umano si Escudero ng kanyang mga kaibigan sa mayorya dahil hindi maaaring manatiling walang ginagawa ang Senado.

Ayon kay Tulfo, kasalukuyang naka-sine die break ang kapulungan kaya limitado muna ang nakikitang galaw sa pulitika.

“Sa totoo lang, naka-break kami ngayon sine die,” sabi niya.

Iginiit naman niya na may sapat nang bilang ang Gatchalian bloc upang makabuo ng quorum.

“Pero pagdating sa quorum, meron naman dahil sa batas 12 kami so anytime pwede kami mag-quorum,” sabi ni Tulfo.

Sumunod ang sigalot sa liderato ng Senado matapos ang sesyon noong Hunyo 3 kung saan idineklarang bakante ang lahat ng posisyon sa liderato at inihalal si Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore. Dahil idineklarang bakante ang pagkapangulo ng Senado, nagsisilbi si Gatchalian bilang Acting Senate President habang nananatiling pinagdedebatehan ang posisyon ni Senador Alan Peter Cayetano.

Sinabi rin ni Tulfo na hindi pa maaaring magsagawa ng full hearing ang Senate Blue Ribbon Committee hangga’t hindi pormal na nabubuo ang mother committee sa plenaryo.

“Hindi ka makapag-hearing hanggat hindi pa napag-uusapan sa session hall yan, sa plenary hall ang isang committee,” sabi niya.

Ayon kay Tulfo, meeting lamang ang naunang aktibidad na may kaugnayan sa umano’y flood-control irregularities at hindi full hearing, dahil kailangan pang mabuo sa floor ang committee chair, vice chair at mga miyembro ng komite.

Sinabi rin niya na maaaring ipasa sa Ombudsman ang karagdagang ebidensya kaugnay ng umano’y flood-control irregularities kung kapareho ito ng mga usaping sakop na ng chairman’s report na inihain ni Senador Panfilo Lacson.

“Hindi yan sa Blue Ribbon, pag-uusapan na naman, nagiging telenovela actually,” sabi ni Tulfo.

Sinabi rin ni Tulfo na wala siyang planong tumakbo bilang pangulo o bise presidente.

“Hindi ako tatakbo na pangulo, vice-presidente,” sabi ni Tulfo.