Cong. Tulfo

Tulfo, 4 na solons isinsusulong trabaho para sa mga senior citizens

169 Views

LIMANG mambabatas sa mababang kapulungan, sa pangunguna ni Deputy Majority leader Erwin Tulfo, ang naghain ng panukalang batas para mabigyan ng trabaho ang mga senior citizen na gusto pang magtrabaho.

Sa House Bill 8971 na inihain nina ACT-CIS Congressmen Erwin Tulfo, Jocelyn Tulfo, Edvic Yap, Benguet Cong. Eric Yap, at Quezon City 2nd District Cong. Ralph Tulfo, oobligahin ang mga pribadong kumpanya o ahensya ng gobyerno na tumanggap ng senior citizen sa kanilang hanay.

Ayon kay ACT-CIS Cong. Tulfo, “para ito sa mga medium to large businesses na may mga empleyado na 100 o higit pa”.

“This law will mandate private and government agencies na maglaan ng one percent sa kanilang work force para sa mga senior citizens”, paliwanag ni Tulfo.

“Halimbawa kung may 100 empleyado ka, dapat may isang senior citizen doon. Kung 1,000 dapat sampu”, dagdag ng mambabatas.

Bibigyan naman ng mga incentives ang mga kumpanya na tatanggap ng mga senior citizen workers habang pagmumultahin naman ang hindi sumunod.

Nauna ng isinulong ng grupo ang isa pang panukalang batas na mag-oobliga sa mga kumpanya, pribado man o gobyerno, na tumanggap ng mga persons with disability (PWD) na manggagawa.