Calendar
Tulfo, Abalos sanib-pwersa bilang ‘kakampi ng inaapi’
NAGSANIB-PWERSA ang dalawa sa mga kilalang personalidad sa serbisyong publiko, ang brodkaster na si Erwin Tulfo at Atty. Benhur Abalos Jr., upang isulong ang adbokasiya para sa kaligtasan at hustisya sa Senado.
Ang tandem ng dalaway ay tinaguriang “Kakampi ng Inaapi.”
“Sa Senado, kaligtasan at hustisya ang aming misyon,” pahayag ni Tulfo, isang beteranong mamamahayag na kilala sa kanyang walang-takot na paninindigan laban sa katiwalian at pang-aabuso. Kilala si Tulfo sa pagtulong sa mga ordinaryong mamamayan na humaharap sa kawalan ng hustisya.
Ayon kay Tulfo, “Ang inaapi ay kinakailangang ipagtanggol.”
Kasama niya si Abalos, dating kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na nagbigay-diin sa kahalagahan ng pananagutan sa batas.
“Kung may kasalanan, dapat managot sa batas,” ani Abalos na isang abogado at nagsilbing alcalde ng Mandaluyong City sa loob ng 15 taon.
Sa ilalim ng kanyang liderato, naging matagumpay ang mga barangay-based anti-drug campaigns, pagpapalakas ng kapayapaan at kaayusan sa mga komunidad, at pagsugpo sa mga sindikato ng droga.
“Kailangan ng aksyon, walang palakasan,” mariing sabi ni Tulfo, na tinutuligsa ang anumang anyo ng favoritism sa gobyerno. Nanawagan siya para sa epektibong mga solusyon na walang kinikilingan.
Binigyang-diin naman ni Abalos ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos para makamit ang tunay na hustisya.
“Ang katarungan ay makakamit kung sama-sama tayo sa Tama at Tapat na Pagkilos,” aniya, na naniniwalang ang pagtutulungan ng mga lider at mamamayan ang susi sa pagresolba ng mga suliranin ng bansa.
Sa kaniyang termino bilang DILG secretary, napahuli at napakulong niya ang high-profile na mga personalidad, kabilang sina Pastor Apollo Quiboloy, Alice Guo, at ang serial rapist na si Teddy Jay Mejia, matapos silang magtago sa kamay ng batas.
Nagsilbi ring alkalde si Abalos kung saan nanguna ang Mandaluyong sa nutrisyon at edukasyon, gayundin sa mga programa para sa vulnerable sector tulad ng mga may kapansanan at informal settlers.
Ang Tulfo-Abalos tandem sa Senado ay naninindigan sa kanilang hangaring gawing prayoridad ang kaligtasan ng bawat Pilipino at tiyakin ang pantay na hustisya para sa lahat.
Bilang kandidato sa pagka senador, kabilang sa mga isinusulong ni Abalos bilang kandidato ang pag-amyenda sa Local Government Code of 1991, pagpapabilis pa ng sistema ng pagnenegosyo sa bansa, at institusyonalisasyon ng mga pautang at ayuda sa mga magsasaka tulad ng diskwento sa amilyar.