Calendar
Tulfo dinepensehan mga driver ng Grab Philippines
MATINDING GISA ang kinaharap ng Grab Philippines matapos silang pagpaliwanagin ng mga senador sa pagdinig ng Senate Committee on Public Services kamakailan, sa pangunguna ni Senator Raffy Tulfo.
Nagpakita ng matinding galit at pagkabahala si Sen. Tulfo sa maraming isyu ng diumanoy panlalamang na para sa senador ay hindi katanggap tanggap at hindi aniya dapat palagpasin.
Tinalakay sa nasabing pagdinig ang iba’t ibang reklamo hinggil sa mga polisiya ng Grab na nagpapahirap umano sa kanilang mga driver at nagdudulot ng abala sa mga pasahero, lalo na tuwing peak hours.
Pinakamahalagang isyu na tinalakay ay ang polisiya ng Grab na ipasa sa kanilang mga driver ang 20% fare discount na mandato para sa mga estudyante, senior citizens, at Persons with Disabilities (PWDs), imbes na saluhin ito ng kumpanya.
Ginisa ni Senador Tulfo sa pamamagitan ng pagkwestiyon ang mga opisyales nito ukol sa naturang polisiya, na aniya’y lalo pang nagpapabawas sa kita ng mga driver na nawawalan na ng karagdagang 20-30% dahil sa platform commissions.
Ani Tulfo, “This is deeply unfair to the drivers who are already bearing high fuel and maintenance costs,” at idinagdag na ang ganitong sistema ay nagiging dahilan kung bakit iniiwasan ng mga driver na tumanggap ng bookings mula sa mga pasaherong may special needs.
May mga ulat pa na ang ilang estudyante ay gumagamit ng dalawang account upang makapag-book ng ride, lalo na kung nagmamadali.
Kinumpirma ni Saturnino Mopas, Chairman ng TNVS Community Philippines, na anim na buwan nang pinapasan ng mga driver ang nasabing 20% discount. Samantala, mariin namang binatikos ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III ang Grab dahil sa paglabag sa kanilang franchise agreement, na nagsasabing dapat ang kumpanya ang sumalo ng nasabing diskwento. Nagbabala si Guadiz na kung hindi ito maaaksyunan, maaaring maharap sa suspensyon ang prangkisa ng Grab. Nangako rin siya na maglalabas ng show-cause order laban sa kumpanya.
Nangako si Tulfo na tututukan ang aksyon ng LTFRB sa loob ng isang linggo, at binigyang-diin ang pangangailangang masusing pag-aralan ang isyu.
Binanggit din ni Tulfo ang mas malawak na isyung kinakaharap ng mga pasahero, tulad ng hirap sa pag-book ng rides tuwing umuulan at rush hour. Inamin ni Atty. Gregorio Tingson, kinatawan ng Grab, na kulang ang bilang ng kanilang mga driver upang matugunan ang mataas na demand.
Tinalakay rin ng senador ang polisiya ng Grab kaugnay ng booking cancellations. Tiinuligsa ni Tulfo ang di-pantay na parusa, kung saan ang mga pasahero ay pinapatawan ng PHP 50 multa kapag nagkansela ng booking, ngunit walang kaparehong parusa sa mga driver na nagkakansela. Ani Tulfo, “Why is it that passengers are penalized, but Grab and its drivers are not held accountable for canceling bookings?”
Samantala, inihayag naman ng mga driver ang kanilang hinaing tungkol sa mataas na commission rates at gastos sa operasyon. “We handle fuel, vehicle maintenance, and even the 20% discount on our own,” ani ng isang driver, na nagsasabing labis na naapektuhan ang kanilang kita dahil dito.
Kinuwestiyon din ni Tulfo ang kita ng Grab mula sa advertisements sa kanilang app, at tinanong kung napapakinabangan ba ito ng mga driver. Ayon kay Tingson, nakakatanggap ang mga driver ng incentives mula rito, ngunit hindi siya nakapagbigay ng eksaktong detalye.
Binatikos ni Tulfo ang kawalan ng transparency at inatasan ang Grab na magsumite ng detalyadong ulat ukol sa kanilang kita at kung paano ito ipinapamahagi sa mga driver.
Iminungkahi rin ni Tulfo sa LTFRB na obligahin ang Grab na saluhin ang mandatory fare discounts, alinsunod sa kanilang franchise agreement. Dagdag pa rito, iminungkahi niya na pag-aralan ang posibilidad na ilipat sa mga operator ng jeepney ang responsibilidad sa kaparehong diskwento, imbes na sa mga driver. Nangako si Guadiz na susuriin ang mga panukalang ito at titiyakin ang pagsunod ng Grab sa mga umiiral na regulasyon.
Ang nasabing pagdinig ay nagbigay-liwanag sa mga sistematikong isyu sa industriya ng ride-hailing, kabilang ang mga di-makatarungang polisiya laban sa mga driver at kakulangan ng accountability para sa mga pasahero. Sa gitna ng holiday season, nanawagan si Sen. Tulfo para sa patas at transparent na mga polisiya upang maprotektahan ang kapakanan ng parehong mga driver at pasahero lalo na ngayon panahon ng kapaskuhan.