Tulfo Source: Instagram

Tulfo gusto ng dental care sa bawat Pinoy, libreng pustiso

37 Views

SA deliberations ng Senate Committee on Finance para sa proposed 2025 budget ng Department of Health (DOH) kahapon, Nov. 12, tinanong ni Sen. Raffy Tulfo ang DOH kung ano na ang nangyari sa Bureau of Dental Health Services na responsable sa pagsusulong at pangangalaga sa dental health ng bawat Pilipino.

Sinabi ni Sen. Tulfo na “bagama’t may mga polisiya ang DOH hinggil sa pangangalaga ng dental health, mas maigi pa rin kung magkakaroon ng isang departamento sa ilalim ng DOH na nakatutok lamang sa dental care ng bawat Pinoy.”

Ito ay dahil na rin dumarami na ang mga Pilipino na nakakaranas ng pagkabulok ng ngipin. Sa katuyan, ayon sa Philippine Dental Association ay nasa tinatayang 72% ng ating populasyon ay may tooth decay.

Matatandaan sa hearing ng Senate Committee on Health noong July 30 ay iminungkahi ni Sen. Tulfo kay PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. na ilibre na dapat ang basic dental care sa lahat ng mga miyembro nila — lalong-lalo na sa mga senior citizens, PWDs at minimum wage earners.

Agaran namang umaksyon ang PhilHealth sa rekomendasyon ni Idol at inanunsyo noong Oct. 2 na libre na ang oral check-up at ang pagpapalinis ng ngipin o oral prophylaxis sa PhilHealth members at ire-release na ang nasabing dental package itong darating na Disyembre 2024.

Pero dagdag ni Tulfo, dapat ay isama na rin sa nasabing dental package ang libreng pustiso lalo pa at maraming senior citizens ang nauubos na ang ipin pagdating ng 70 years old.

Sinabi ni Health Sec. Ted Herbosa kay Idol Raffy na naka-pipeline na ang pagdagdag ng libreng pustiso sa probisyon ng nasabing dental package at bumuo na raw sila ng task force na kasalukuyang nagrerebyu ng mga polisiya ukol sa dental health services.

Binigyang diin ni Tulfo na dapat sa susunod na taon ay mayroon ng malawak na dental health service coverage para sa mga Pilipino mula sa PhilHealth, kabilang na ang libreng pustiso, tooth surgery, etc. Ito ay sinang-ayunan naman ni Herbosa.”