Cong. Tulfo

Tulfo: Imbestigahan pangyayari sa Chocolate Hills

Mar Rodriguez Mar 19, 2024
117 Views

BUNSOD ng kalapastangang ginawa sa Chocolate Hills sa Bohol matapos pagtayuan ng private resort ang paanan nito. Pormal ng inihain ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Party List Cong. Erwin T. Tulfo ang isang resolution para paimbestigahan sa Kongreso ang nasabing issue.

Isinulong ni Tulfo ang kaniyang House Resolution No. 1652 para ipanawagan sa Kamara de Representantes ang agarang pagsasagawa ng isang masusing imbestigasyon patungkol sa konstruksiyon at operasyon ng Captain’s Peak Resort Development na itinayo sa paanan ng Chocolate Hills.

Bukod kay Tulfo, kasama din ng kongresista sa paghahain ng HR No. 1652 sina Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo ng ACT-CIS Party List. Kabilang din sila Reps. Eric Yap ng Benguet at Ralph Wendel Tulfo ng Quezon City.

“May mananagot dito, kailangang may managot dito. Hayagang pambabastos ito sa ating likas na yaman, ang tanong dito ay papaano pinayagan ang pagtatayo dito ng isang resort. At kung sino ang pumayag para ito ay maipatayo? Sino ang mga taong pumayag na magtayo duon ng resort,” sabi ni Tulfo.

Binigyang diin ni Tulfo sa kaniyang House Resolution na isinasaad ng Proclamation No. 1037 ng Hulyo 1997 na nagde-deklara sa “Chocolate Hills” bilang natural monument ng Pilipinas na kinakailangang ma-protektahan o mapangalagaan laban sa anomang paglapastangan o pagwawalang bahala.

Ayon sa kongresista, ang pagpapatayo ng resort sa paanan ng Chocolate Hills ay isang lantarang paglalapastangan sa kasagraduhan ng nasabing lugar na isang protected area. Kaya napakahalaga na malaman kung sino ang nagpahintulot at nagbigay ng permit sa Captain’s Resort.

“Sa ilalim ng Republic Act No. 7586. Ipinagbabawal ang multilating, defacing or destroying objects or natural beauty or objects of interests to cultural communities as well as constructing of maintaining any kind of structure, fence or enclosure, conducting any business without a permit,” dagdag pa ni Tulfo.