Tulfo

Tulfo inanunsyo P150K pera ayuda sa mga OFW sa Lebanon na uuwi ng PH kahit pansamantala lang

6 Views

INIANUNSYO ni House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo na may tig-P150,000 cash assistance na naghihintay para sa bawat overseas Filipino worker (OFW) na uuwi sa bansa mula sa Lebanon, kahit pansamantala lang dahil sa giyera doon.

Ayon kay Tulfo, ito ang kanyang napag-alaman matapos ang ginawa niyang pakikipagpulong kamakailan sa mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sinabi ng mambabatas na nakipag-usap siya kay OWWA Administrator Arnel Ignacio upang malaman ng pamunuan ng Kongreso, sa pangunguna ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang estado ng repatriation o pagpapauwi ng mga Pinoy na naiipit sa giyera sa Lebanon.

“Base sa briefing na ibinigay sa atin ni Admin. Ignacio, may 11,000 pa daw na mga Pinoy ang nasa Lebanon,” ayon kay Cong. Tulfo.

Aniya pa, “OWWA assured us na naka-ready sila lalo na ang Department of Migrant Workers (DMW) at sapat ang pondo para pauwiin ang mga naiipit na OFW doon.”

“Umuwi sila sa bansa kahit pansamantala lang at pahupain ang gulo doon para sa kanilang kaligtasan na rin,” pahayag naman ni Administrator Ignacio.

Dagdag pa ng OWWA chief, “Tutal may cash assistance namang ibibigay ang pamahalaan para may panggastos sila dito kapalit ng sahod nila doon.”

Nabatid na bukod sa pamasahe, magbibigay rin ang DMW at OWWA ng tig-P75,000 o kabuuang P150,000 na cash assistance sa mga OFWs, sa pagdating nila sa Pilipinas.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Tulfo na mahigpit na binabantayan ng Kongreso ang mga kaganapan hindi lang sa Lebanon kundi sa Israel at Iran na rin.

Ayon kay Tulfo, “May instruction po si Speaker Romualdez sa Appropriations Committee na maghanda na maglaan ng additional budget kung kinakailangan ng DMW at OWWA ng additional funds hindi lang sa Lebanon repatriation kundi sa iba pang bansa na may gulo sa Middle East.”