Calendar
Tulfo, Lacson itinanggi pahayag ni Imee tungklo sa Con-Ass
ITINANGGI nina Senador Erwin Tulfo at Senador Panfilo “Ping” Lacson ang pahayag ni Senadora Imee Marcos na nag-uugnay sa sigalot sa liderato ng Senado sa umano’y plano para sa constituent assembly upang amyendahan ang Konstitusyon at palawigin ang termino ng matataas na opisyal ng gobyerno.
Sinabi ni Tulfo na wala siyang narinig na ganitong plano sa minority bloc at kokontrahin niya ang anumang hakbang na muling buhayin ang usapin ng Charter change habang marami pang agarang problema ng publiko at nakabinbing mga panukala ang hindi natatalakay.
“Ay, wala naman po kaming narinig na ganun. Kung meron man, maging kami, hindi ho kami papayag kasi ito na naman tayo. Pag-uusapan na naman natin ang chacha,” sabi ni Tulfo sa isang Senate media phone-patch interview.
“Bakit natin unahin yung lintik na chacha na yan? When in fact, we have a lot of problems na pagtuunan ng pansin,” dagdag niya.
Sinabi ni Tulfo na naantala na ang trabaho ng Senado dahil sa mga debate sa liderato, usapin sa seguridad at insidente noong Mayo 13, habang marami pang panukala at resolusyon ang nakabinbin sa floor.
“Hindi na nga tayo umuusad-usad sa mga pending ng mga bills and resolutions po sa floor dahil sa debate ng debate ng coup d’etat,” sabi niya.
Ayon kay Tulfo, personal niyang kokontrahin ang anumang Charter change move, manggaling man ito sa minority, majority o ibang grupo.
“Kung manggagaling sa amin yan, saan man, sa mayorya, kukontrahin ko po yan, definitely,” sabi niya.
Nang tanungin kung tutol ang minority bloc sa ganitong hakbang, sumagot si Tulfo: “Definitely po.”
Itinanggi rin ni Lacson ang pahayag ni Marcos tungkol sa umano’y tangkang kunin ang liderato ng Senado upang bigyang-daan ang constitutional amendments.
“Flat lies, outright lies. Kasinungalingan,” sabi ni Lacson sa isang panayam.
“Walang pag-uusap kami maski mga caucuses namin. Napakalimit naming mag-caucus sa minority, never yan napag-usapan, never yan nabanggit ang con-ass,” dagdag niya.
Sinabi ni Lacson na hindi napag-usapan ng minority bloc ang constituent assembly at wala silang alam na ganitong plano.
“Kung may planong mag-con-ass, di namin alam yan. Kung meron man at kung meron kaming narinig, di namin alam kung anong end take na gusto nilang makita,” sabi niya.
Ayon kay Lacson, nakatuon ang minority bloc sa pagpapanumbalik ng reputasyon at dangal ng Senado.
“We love the Senate. Lahat kami nagkakaisa, ibangon natin ang Senado first and foremost sa paningin ng ating mga kababayan,” sabi ni Lacson.
“Kalimutan ang iba ibang issues attendant sa pagpalit liderato. Sa amin ang primordial concern namin ang integrity ng Senate,” dagdag niya.
Ang mga pahayag ay lumabas sa gitna ng patuloy na tensyong pulitikal matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado, ang insidente noong Mayo 13 sa loob ng Senate premises, at paghahanda para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

