Tulfo

Tulfo: Mahal na kuryente dapat tuldukan

162 Views

PINUNA ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang patuloy pa ring umaakyat na presyo ng kuryente sa bansa kahit bumaba na ang presyo ng coal sa lahat ng global price index.

Sa katunayan, kumpara sa ibang bansa sa Asya, tayo ay isa sa may pinakamataas na presyo ng kuryente kahit na isa lang ang pinagbabasehan ng presyo ng pag-angkat ng coal, ang Indonesian Coal Index at New Castle Index.

Kaya agad kinausap ni Sen. Tulfo noong Lunes, May 1, 2023, sa isang consultative meeting via zoom ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Department of Energy (DOE) para sitahin kung bakit dekada na nilang hinahayaang magpatuloy ang mapang-abusong sistemang ito.

“Kaya sobrang mahal ng kuryente sa Pilipinas ay dahil matagal na pala tayong piniprito sa sarili nating mantika ng mga gahamang energy generation company,” saad niya.

Ani Tulfo, araw-araw, ang malalaking genco na nagsusuplay ng karamihang kuryente sa Pilipinas ay kumikita ng daan-daang milyon. Kapag isasama pa ang bawat planta nila, kumikita na ang mga ito ng bilyones kada araw!

Sa nasabing meeting, pinatotoo mismo ni ERC Chairperson Monalisa Dimalanta ang nadiskubre ni Sen. Tulfo.

Sa katunayan, sumulat na raw sila sa mga kompanyang ito para ipaliwanag ang basehan ng pagpresyo ng kanilang kuryente. Isa nga raw dito ang
sumagot na confidential ang impormasyong hinihingi ng ERC. Dito napikon si Sen. Tulfo at tinanong si Chairperson Dimalanta kung ano
ang kanyang naging tugon.
Sabi ni Dimalanta ay nagpadala na raw sila ng show cause order para i-obliga ang mga genco na ito na mag-comply ngunit hanggang ngayon ay wala pa kahit isa sa kanila ang sumusunod at patuloy pa rin daw na nagmamatigas.

Tinanong ni Sen. Tulfo kung kakailanganin ba ng isang legislation para magkaroon ng limitasyon sa rate of return ng mga genco.
Sagot ni Dimalanta, hindi raw muna kailangan at sila na muna ang bahalang maghanap ng solusyon.
Samantala, sinabi naman ng DOE na handa silang magpataw ng karampatang sanctions sa mga genco na ito, kasama na rito ang obligahin sila na magbigay ng refund sa mga consumer.

Sinabi ni Sen. Tulfo na muli niyang babalikan ang ERC at DOE pagbukas ng sesyon sa Senado sa pamamagitan ng isang hearing upang
matuldukan na ang mahal na kuryente.