Calendar
Nagsagawa ng investigation si Senador Raffy Tulfo ukol sa mga pangunahing hakbang laban sa illegal recruitment. Makikitang nag-witness ang isang OFW na nakadanas ng pang aabuso sa abroad. Mga kuha ni JOSEPH MUEGO
Tulfo nagbabala vs mapagsamantalang illegal recruiters
NAGBABALA si Senador Raffy Tulfo na mas madaling mabiktima ng illegal recruiters ang mga Pilipinong naghahanap ng trabaho dahil sa pagkawala ng kabuhayan, krisis sa langis, at biglaang pag-uwi ng mga OFW na naapektuhan ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development nitong Huwebes, sinabi ni Tulfo na dahil sa bigat ng sitwasyong pangkabuhayan, mas maraming Pilipino ang napipilitang kumapit sa mapanganib o ilegal na alok na trabaho sa ibang bansa.
“Kaya marami sa atin ang naghahanap ng oportunidad sa abroad para magkaroon ng stable na trabaho. Pero kapag nangangailangan ang tao, kahit ilegal na trabaho ay pinapatulan; napipilitan sila, o madali silang nabibiktima ng illegal recruiters,” ani Tulfo.
Sinabi ng senador na ang desperasyon ng mga manggagawa ay nagbubukas ng pagkakataon para sa mga sindikato at mapagsamantalang recruiter na abusuhin ang pangangailangan ng mga Pilipinong naghahanap ng kabuhayan.
“Dahil sa desperasyon ng mga tao ngayon, nagkaroon ng oportunidad ang mga gustong magsamantala sa pangangailangan ng mga Pilipinong manggagawa at kunin sila sa mga ilegal na trabaho. Ito ang kamakailan lang ay nakarating sa akin. May mga babae na dinala sa Malaysia bilang massage therapists. Pero hindi iyon ang nangyari,” dagdag pa niya.
Inilahad ni Tulfo ang mga kaso ng mga Pilipinang ni-recruit bilang massage therapists sa Malaysia, gayundin ang mga manggagawang umano’y naengganyo ng mga pekeng trabaho sa Japan at Canada na may alok na sahod na P70,000 at P130,000, ngunit nauwi sa mapagsamantalang kalagayan.
Sinabi niya na dapat suriin ng pamahalaan ang proseso ng recruitment, kabilang ang paraan kung paano nakapambibiktima ang illegal recruiters at kung anong mga hakbang ang maaaring ipatupad upang mapigil ang ganitong mga gawain sa pinagmulan pa lamang.
Kinuwestiyon din ni Tulfo ang mga puwang sa pagpapatupad ng batas na nagbibigay-daan upang makalabas pa rin ng bansa ang mga biktima ng trafficking o illegal recruitment sa kabila ng umiiral na mga safeguard.
Nanawagan din siya na repasuhin ang mga mekanismo ng pananagutan, dahil maaaring hindi sapat ang kasalukuyang mga parusa upang pigilan ang illegal recruitment at trafficking.
“Parang kulang,” sabi ni Tulfo, habang binabanggit na nagpapatuloy pa rin ang mga kaso sa kabila ng mga umiiral na batas at polisiya laban sa illegal recruitment at trafficking.
