Tulfo

Tulfo natuklasan mga paglabag sa Binangonan Port

105 Views

NAGASAGAWA ng sorpresang inspeksyon si Sen. Raffy Tulfo, Chairperson ng Senate Committee on Public Services, sa Binangonan Port, Rizal kamakailan lamang, kung saan isang trahedya ang nangyari noong nakaraang taon na nagresulta sa pagkamatay ng 27 katao matapos lumubog ang isang motorbanca. Ang nasabing insidente ay nagdulot din ng imbestigasyon sa Senado.

Sa kanyang inspeksyon, natuklasan ni Tulfo ang iba’t ibang paglabag ng ilang mga bangka, kabilang na ang paggamit ng mga lifevest na gawa sa styrofoam na madaling nadudurog. Inamin ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng crew ng nasabing bangka na maaaring lumubog ang mga pasahero habang ginagamit ang mga ito.

“Napansin ko din na mayroong isang bangka na butas-butas ang trapal kaya kapag sumama ang panahon, tiyak na matutuluan ng tubig-ulan ang mga pasahero,” pahayag ni Tulfo.

Nahuli rin ni Tulfo ang isang bangka na may sakay na mga pasahero na hindi nakasuot ng lifevest na isang proteksyon maibibigay sa kada isang pasahero.

“Ibig sabihin, maaaring nasa laot pa lamang ay hinubad na nila ang mga lifevest at pinayagan ng crew, o hindi talaga nila ini-require ang mga pasaherong suotin ito,” dagdag ng Senador.

Sa pagsusuri ni Tulfo sa mga dokumento ng ilang bangka, napansin niya na ang nakasaad na kapasidad ng mga pasahero ay hindi tugma sa bilang ng mga insured na pasahero ayon sa kanilang insurance policy. Aniya, “Kapag pinaupo ang lahat ng deklaradong kapasidad na pasahero, parang sardinas na sila sa sikip. Paano pa kaya kapag isinama ang mga kargamento ng bawat pasahero? Tiyak na magiging overloaded na ang bangka!”

Isa pang nakatawag-pansin kay Tulfo ay ang pagkakapareho ng insurance provider ng lahat ng bangka sa port. Ayon kay Tulfo, ang insurance company na ito ay dati nang natanggap ng reklamo sa kanyang programa na “Raffy Tulfo in Action,” at may mga naitalang reklamo laban dito ayon sa Insurance Commission.

Ipinahayag ni Tulfo na isusumite niya sa Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng natuklasan niyang paglabag at irerekomenda ang pagpapataw ng administratibong parusa sa mga tauhan ng PCG, MARINA, at Philippine Ports Authority (PPA) na nagpabaya sa kanilang mga tungkulin at nagpayagan sa mga paglabag na ito.

“Kapag wala pa ring compliance sa susunod na surprise inspection, irerekomenda ko rin sa DOTr na sampahan ng kaso ang mga opisyal o supervisor ng mga nabanggit na ahensya na naging inutil sa kanilang tungkulin,” pagtatapos ni Tulfo.