Tulfo

Tulfo: P500 diskwento sa grocery para sa seniors, PWDs paspasan ipatupad

Mar Rodriguez Mar 5, 2024
125 Views

HINIMOK ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ng ACT-CIS party-list ang mga ahensya ng gobyerno na ipatupad bago matapos ang Marso, ang P500 na buwanang diskwento sa grocery para sa milyun-milyong senior citizen at mga person with disability (PWD).

Sa pulong ng House Ways and Means committee, ipinaalala ni Tulfo ang pangako na ibinigay ng Department of Trade and Industry (DTI) kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong nakaraang linggo ukol sa pagtaas ng diskwento.

Ang kasalukuyang diskwento ay P65 kada linggo o P260 kada buwan.

Dadagdagan ito sa P125 kada linggo o P500 kada buwan.

Sinabi ni Tulfo na kasama siya ni Speaker Romualdez sa pakikipagpulong nito kay DTI Undersecretary Carolina Sanchez na nagsabi na maipatutupad na ang mas mataas na diskwento ngayong buwan.

Nangako ang DTI kay Speaker na ipatutupad ang pagtaas sa diskwento sa grocery para sa mga pangunahing pagkain, karne, at agricultural products sa katapusan ng buwang ito.

“We have to have it quickly,” aniya.

Tugon naman ni Director Marcus N. Valdez ng Consumer Policy and Advocacy Bureau ng DTI na ang ahensya ay nakikipag-ugnayan na sa Department of Agriculture (DA) at Department of Energy (DOE) para sa pagpapatupad ng pagtaas ng diskwento.

“We confirm the promise made last week and the timeline,” anang opisyal.

Ayon naman kay Agriculture Assistant Secretary for Consumer Affairs and concurrent for Legislative Affairs Genevieve E. Velicaria-Guevarra na nagtakda na sila ng public consultation sa March 11 at 12 bago ibigay ang pagtaas sa diskwento.

Sinundan din ni Tulfo ang pangako ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) kay Speaker Romualdez sa pagtaas ng diskwento sa mga bayarin sa ospital at professional fees ng pasyente mula sa 30 porsyento hanggang 50 porsyento.

“May pondo kayo, may subsidy pa kayo (mula sa pamahalaan). In our calculation, PhilHealth can afford to shoulder 50 percent of the cost of hospitalization and professional fees,” Tulfo said.

Ani Tulfo, mahirap para sa mga miyembro ng PhilHealth, na karamihan ay mga empleyado, ang sagutin ang 70 porsyento ng gastusin, batay sa kasalukuyang subsidy rate na 30 porsyento.

“Mabigat ang 70 porsyento,” aniya, idinagdag na maraming pasyente ang nangungutang para lamang makapabayad ng pang-ospital.

“Dadaan po ‘yan sa aming board (of directors) at execom (executive committee),” sabi ng kinatawan ng PhilHealth kay Tulfo, na nagpaalala sa PhilHealth ng isa pang pangako: ang sagutin ang gastusin sa mga pangunahing pagsusuri tulad ng ultrasound at mammogram.

Sinabi ng mambabatas ng ACT-CIS na ang breast cancer” is one of the top five causes of death of Filipino women.”

“Breast cancer can be prevented by early detection through ultrasound and mammogram. We can encourage women to undergo prompt screening if these procedures are free of charge,” Tulfo added.