Tulfo

Tulfo pinaiimbestigahan paglubog ng Princess Aya

256 Views

NAGHAIN ng resolusyon sa Senado si Sen. Raffy Tulfo para paimbestigahan ang pagkamatay ng 27 pasahero na lulan ng lumubog na bangkang Princess Aya noong Hulyo 27.
Sa pagsumite ng Senate Resolution (SR) No. 705, sinabi ni Tulfo na ang imbestigasyon ay makakatulong magpatunay sa kapalpakan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA) kaya nangyari ang trahedya.

Maliban sa opisyales ng PCG at MARINA, gusto ni Sen. Idol na makasuhan ang kanilang superior sa ngalan ng command responsibility. Aniya, ang madalas na nakakasuhan lamang ang mga tripulante ng bangka.

Matatandaang 30 na pasahero lamang ang maximum capacity ng lumubog na bangkang Princess Aya pero ito ay pinayagang maglayag ng PCG na may sakay na humigit kumulang 70 na katao at walang sapat na life vest para sa lahat ng lulan nito, dagdag pa rito ang masamang lagay ng panahon.

Dagdag niya, pumalpak din ang MARINA sa pag-inspect sa “seaworthiness” ng Princess Aya bago bigyan ito ng “Passenger Ship Certificate (PSSC)” na ngayon ay suspendido na.

Sa pakikipagusap sa isang sea expert, napagalaman ni Tulfo na ang katig diumano ng Princess Aya ay hindi designed para masuportahan ang mahigit 30 na pasahero.

Kaya sinabi ni Sen. Tulfo na sa susunod, kailangan ng MARINA, kasama ang isang marine engineer, na masusing inspeksyunin ang lahat ng mga bangka na nirerentahan o ginagamit para sa pampublikong transportasyon sa tubig bago mag-isyu ng anumang permit to operate.

Samantala, sa paghahain ng Senate Resolution No. 705, gusto ni Tulfo na imbestigahan ang lahat ng factor na sanhi ng pagtaob ng Princess Aya at tukuyin ang mga lapses sa safety protocols o kapabayaan ng PCG, MARINA at iba pang kinauukulang indibidwal at ahensya.

Kailangan din aniyang rebyuhin ang kasalukuyang batas at regulations tungkol sa maritime safety.

Pinakaimportante sa lahat, sabi ni Tulfo, ay magamit ang imbestigasyon para makasuhan at makulong ang pabayang opisyal ng PCG at MARINA.