Tulfo1

Tulfo: Testimonya dapat nakabatay sa ebidensya

27 Views

SINABI ni Senador Erwin Tulfo na hihigpitan ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig sa mga testigo at hindi na papayagang umikot ang mga pagdinig sa hearsay, biglaang testigo o testimonyang kinokontrol ng iba.

Ayon kay Tulfo, chairman ng Blue Ribbon Committee, dapat handa ang mga testigo na suportahan ang kanilang mga pahayag sa pamamagitan ng dokumento, resibo, affidavit o iba pang ebidensya.

“Madali kasing mag-akusa. Madaling mag-akusa at madaling bawiin,” ani Tulfo.

Sinabi niya na dapat pakinggan ng komite ang mga testigo, ngunit kailangan ding hingan sila ng ebidensya para patunayan ang kanilang sinasabi.

“Ayaw namin marinig ang kwento mo. Gusto namin marinig pero you have to back it up with evidence,” ani Tulfo.

Ayon kay Tulfo, hihigpitan niya ang proseso sa komite upang maging maayos ang mga pagdinig.

“Tapos pangalawa hindi na ako tatanggap ng surprise witness na meron pala tayong testigo, nandiyan nasa, biglang lumutang dito. Hindi po pwede yan, bawal sa rules namin yan na bigla na,” ani Tulfo.

Sinabi rin niya na hindi dapat i-coach ng mga senador ang mga testigo o gabayan ang mga ito sa kanilang sasabihin sa pagdinig.

“At number three, bawal na i-coach ng senador ang kanyang testigo. Kung testigo naman yan, hindi siya pwedeng tumayo doon at sasabihin niya basahin mo ito, nasa line 54. Dapat hindi siya nakikialam,” ani Tulfo.

“So medyo hihigpitan natin ng konti. Ayaw natin gawing palengke o sirkos ang Blue Ribbon,” dagdag niya.

Sinabi ni Tulfo na dapat nakatuon ang imbestigasyon ng Senado sa paggawa ng batas at sa ebidensya, habang ang pag-usig sa mga kaso ay trabaho ng mga kaukulang ahensya.