Tulfo

Tulfo tinutulan privatization ng CNS/ATM functions

90 Views

TINUTULAN ni Senate Committee on Public Services Chairperson Sen. Raffy Tulfo ang planong isapribado ang operasyon ng air traffic system ng ating bansa dahil sa banta sa national security.

Nakumpirma ni Sen. Idol sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang ComClark Network and Technology Corp. na pag-aari ng tech tycoon na si Dennis Uy ay nagsumite ng “unsolicited proposal” para magtake-over sa operasyon ng ating Communications, Navigation, Surveillance/Air Traffic Management System (CNS/ATM) sa pamamagitan ng Public -Private Partnership.

“The privatization of CNS/ATM functions poses serious national security risks and exposes us to foreign interference since private companies may be entered into through equity participation by nationalized investors, including big government back corporations in China,” saad niya.

Ang CNS/ATM ay kasalukuyang nasa pamamahala ng CAAP. At ayon sa umano’y kumakalat na pahayag ni Ret. Lt. Gen. William Hotchkiss, dating Philippine Air Force Chief at CAAP Director, kapag naisa-pribado ito ay malilipat ang full operations ng air traffic system natin, kabilang na ang Flight Information Region (FIR), sa pribadong mga indibidwal na maaaring may pansariling interes lamang.

Sinabi umano ni Hotchkiss na ang bawat bansa ay may FIR kung saan kinokontrol nila ang information navigation at alert system na mas malaki pa kaysa sa pinagsama-samang maritime zone at territorial land areas sa bansa. Nangangahulugan lamang ito na ang pagsasapribado ng CNS/ATM ay katumbas ng pagbibigay ng kontrol sa mga pribadong kumpanya pagdating sa seguridad ng ating bansa.

Sa pagtutol sa nasabing pribatisasyon, binanggit din ni Tulfo ang malalaking personalidad tulad nina dating Congressman Arnolfo Teves, dismissed Bamban Mayor Alice Guo, at iba pang POGO VIPs na tumakas sa bansa para takbuhan ang batas sa Pilipinas.

“Privatization may just lead to a system that can be much easier to exploit as a way to avoid the country’s justice system,” saad ni Tulfo.

Nangako si Tulfo na hindi niya hahayaang basta na lamang mapunta sa private entity ang operations ng CNS/ATM kaya nakatakda rin siyang maghain ng Senate Resolution para paimbestigahan ito.