BBM2

Tulong sa mga apektado ng pag-aalburuto ng Mayon tiniyak ni PBBM

Neil Louis Tayo Jun 16, 2023
192 Views

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtulong ng gobyerno sa mga pamilyang apektado ng pag-aalburuto ng bulkang Mayon.

“Kami ay nandito upang tiyakin na lahat ng pangangailangan ng mga evacuees. Tinitingnan nga namin na ‘yung response ng national government ay sapat at makausap din kayo, ang mga evacuees, kung ano ‘yung mga inyong pangangailangan,” ani Pangulong Marcos.

Pumunta si Pangulong Marcos sa Guinobatan Community College evacuation center sa Guinobatan, Albay, upang personal na kumustahin ang mga inilikas.

“At huwag kayong mag-aantay nang matagal kung may pangangailangan kayo. Sabihin ninyo sa amin. Nandito si Mayor, nandito si Gov, nandito lahat ng DSWD, nandito ‘yung DILG, nandito silang lahat at nandiyan lang sila para alalayan kayo,” sabi ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo inatasan nito ang mga ahensya ng gobyerno upang maibigay ang pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.

Pinaplantsa na umano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga dagdag na relief goods na ibibigay sa mga naapektuhang pamilya.

“Ang DOH ay sila at saka ang Provincial Health Hospital ninyo, ‘yung municipal hospital niyo tutulong ‘yan at ang ating mga healthcare workers ay sila ang makakapagbigay – sila ang may karapatan na makapagbigay ng gamot para sa inyong lahat,” sabi ng Pangulo.

Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa 50 tonelada ng pagkain na ipinadala ng United Arab Emirates (UAE).

“At iyon po ‘yung mga idi-distribute natin marami diyan ay galing po sa ating mga kaibigan sa United Arab Emirates. At siguro maybe the reason they are so sympathetic to the Philippines is because they have many Filipinos working in UAE and they feel the closeness and friendship to Filipinos,” dagdag pa ng Pangulo.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD) ang nasa 4,400 pamilya o 15,676 indibidwal ang inilikas dahil sa pag-aalburuto ng Mayon.