Calendar
Tulong sa mga OFWs sa Middle East kailangan
BINIGYANG-diin ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pangangailangan ng proteksyon ng mga overseas Filipino workers (OFW) at pagaanin ang epekto ng nagaganap na gyera sa Middle East sa ekonomiya ng bansa.
Dapat unahin ng pamahalaan ang kaligtasan ng ating mga kababayan sa halip na tumutok lamang sa mga geopolitikal na usapin, ayon sa senador.
“No one wants war. Yet many of our kababayan are anxious, especially the families of our OFWs,” sabi ni Pangilinan.
Hinimok niya ang Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na paigtingin ang mga travel advisory at i-update ang mga plano para sa paglikas at pag-uwi ng ating mga kababayan.
Bukod sa kapakanan ng mga OFW, nagbabala rin si Pangilinan sa posibleng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at krudo dahil sa tensyon sa Strait of Hormuz.
Ipinaliwanag niya na dahil sa limitadong suplay at pag-angkat ng bansa ng halos lahat ng ating petrolyo, tiyak ang pagtaas ng presyo ng krudo, pataba, at pestisidyo na makakaapekto sa mga konsyumer at sektor ng agrikultura.
“Dahil inaangkat natin ang halos lahat ng gamit nating petrolyo,” paliwanag ni Pangilinan.
Upang matulungan ang mga apektadong sektor, iminungkahi ng senador ang pag-activate ng mga target na subsidiya para sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan at mga magsasaka.
Isinulong din niya ang posibleng suspensyon o pagbabawas ng excise tax sa langis.
Ayon sa kanya, kung sususpindihin ang nasabing buwis, maaaring bumaba ng P6 ang diesel at P10 ang kada litro ng gasolina.

