bro marianito

Tuloy ang buhay kapag may pumanaw

265 Views

Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay isang mensahe na hindi natatapos sa kamatayan ang takbo ng buhay (Lucas 24:1-12)

MAHIRAP para sinoman sa atin ang maka-recover o makabangon kapag ang isang mahal natin sa buhay ay pumanaw. Lalo na kung ang taong ito ay malapit sa atin.

Minsan ay inaabot ng maraming taon bago tayo tuluyang maka-move on dahil sa kaniyang pagkawala.

Ang muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesu-Kristo na tampok ngayon sa ating Mabuting Balita (Lucas 24:1-12) ay isang paalala na hindi dapat matapos sa kamatayan ang takbo ng ating buhay at lalong hindi dapat tayo malunod sa labis na kalungkutan ang ating mga sarili.

Para bang katapusan na ng mundo para atin sapagkat hindi na tayo makausad dahil sa pagkawala ng ating mahal sa buhay.

“Life must go on” ang wika nga sa Ingles na ang ibig sabihin, “Dapat ituloy natin ang ating buhay dahil laging may na-aantay na liwanag sa dulo ng isang lagusan o tunnel.”

Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay naghahatid ng isang maliwanag na mensahe na hindi natatapos sa kamatayan ang lahat ng bagay dito sa mundo.

Ang lahat ay may pag-asa gaano man kakomplikado at kasalimuot ang isang sitwasyon dahil sa bandang huli ang mananaig pa rin ay ang tagumpay laban sa kapighatian.

Matapos dumanas si Jesus nang matinding hirap, pasakit, pagkakapako at pagkamatay sa Krus noong Biyernes Santo.

Siya ay muling nabuhay matapos ang tatlong araw tulad ng sinabi niya sa mga punong Pari at tagapagturo ng Kautusan na muli niyang itatayo ang templo sa ikatlong araw.
Nangangahulugan lamang ito na napagtagumpayan ni Kristo ang kamatayan at ang kaniyang muling pagkabuhay ay isang maliwanag na kaganapan ng kaniyang ipinangako.

Hindi winakasan ng kamatayan ni Jesus ang kaniyang misyon dito sa lupa.

Sapagkat matapos siyang umakyat sa langit kapiling ng Ama ay itinuloy ng kaniyang mga Disipulo ang pagpapalaganap sa Salita ng Diyos sa mga tao.

Ibig lamang nitong sabihin na hindi kayang pigilan ng kamatayan ang misyon ni Hesu-Kristo dito sa lupa na para bang nais sabihin sa atin na kailangan magpatuloy ang ating buhay.

Hindi dapat pigilan o wakasan ng kamatayan ang anumang misyon natin dito sa lupa.

Ang kamatayan ay hindi kawakasan. Kaya nga ipinapangaral sa Mabuting Balita na kapag tayo ay sumampalataya sa Diyos.
Tayo ay magkakamit ng buhay na walang hanggan. Hindi katapusan ng mundo ang kamatayan.

Sa halip ay dapat pa nga itong magsilbing simula. Simula ng isang bagong buhay, simula ng bagong umaga at simula ng isang pag-asa.

Sapagkat nagbibigay din ng pag-asa ang muling pagkabuhay ng ating Panginoong Jesus.

Ngayong panahon ng pandemiya, marami sa atin ang labis na pinanghihinaan ng loob at ang iba ay maaaring nawawalan na ng pag-asa. Hindi natin sila masisisi.

Ngunit alalahanin na lamang natin na kailangan nating lumaban dahil may mga mahal pa tayo sa buhay ang kailangan nating pagtuunan ng pansin at umaasa sa atin.
Maaaring nawala ang isa, subalit may mga mahal pa tayo sa buhay ang nangangailangan ng ating kalinga lalo na sa ganitong sitwasyon.

Manalangin Tayo:

Panginoon namin. Nawa’y tulungan mo po kami na huwag kaming kainin ng labis na kalungkutan dahil sa mga problemang kinakaharap namin ngayon.

Sa halip ay bigyan mo po kami ng katatagan para magpatuloy sa aming buhay sa kabila ng mga problema ito.

AMEN