Calendar

‘Tuloy-tuloy ang kampanya’: Alyansa ‘di matitinag sa pagkalas ni Sen. Imee
NANANATILING matatag at determinado ang Alyansa para sa Bagong Pilipinas, ang powerhouse Senate slate na ineendorso ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., habang papalapit ang eleksyon, sa kabila ng pag-atras ni Senadora Imee Marcos mula sa senatorial ticket ng koalisyon.
Muling iginiit ni Navotas City Rep. Toby Tiangco, campaign manager ng Alyansa, na iginagalang nila ang naging desisyon ni Sen. Marcos at ipinagdarasal ang kanyang tagumpay, ngunit binigyang-diin din niya na hindi nagbago ang direksyon at sigla ng kanilang kampanya.
“Yes, Senator Imee has decided na hindi na po siya sasama sa Alyansa, and we respect her decision and wish her luck. Kami naman, tuloy-tuloy lang po ‘yong kampanya namin,” ani Tiangco sa isang press conference bago ang malaking campaign rally ng Alyansa sa lalawigan ng Rizal, isang mahalagang vote-rich area.
Sinabi ni Tiangco na nananatiling positibo at matibay ang kanilang kampanya, na nakatutok sa paghahatid ng malinaw na mensahe ng kakayahan, pagpapatuloy ng mga programa at pagtutok sa pag-angat ng buhay ng mga Pilipino.
Binigyang-diin ni Tiangco na ang kampanya ng Alyansa ay nakabatay sa matibay na kwalipikasyon at napatunayang track record ng 11 kandidato nito.
Dagdag pa niya, malakas ang posisyon ng mga kandidato ng Alyansa para suportahan at pabilisin ang agenda sa pag-unlad sa nalalabing tatlong taon ng administrasyong Marcos.
“‘Yung 11 kandidato namin ay talagang kung pagbabasehan ang track record at ‘yung kaya pang gawin ay talagang sila po ang makakatulong para suportahan ‘yung remaining three years ni President Bongbong Marcos,” ani Tiangco.
“Ang gusto namin is mapabilis ang development dito sa ating bansa at mapabilis ‘yung pag-angat ng buhay ng ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Ang Alyansa ay binubuo ng mga lingkod-bayan na may kombinasyon ng pambansang karanasan at lokal na kasanayan, na pinagbubuklod ng isang plataporma na nagtataguyod ng paglago ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, digitalisasyon, kapayapaan at kaayusan, at panlipunang proteksyon.
Kabilang sa kasalukuyang 11 miyembro ng senatorial slate ang dating Interior Secretary Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senador Ramon Bong Revilla, Senador Pia Cayetano, dating Senador Panfilo “Ping” Lacson, Senador Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senador Francis “Tol” Tolentino, dating Social Welfare Secretary at ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo, at Deputy Speaker Camille Villar.