CIDU

Tumalon o tinulak? Tanong ng parak sa namatay sa QC hotel

10 Views

PALAISIPAN sa mga pulis ang dahilan ng pagkamatay ng 31-anyos na binata na unang nakitang naglalakad ng hubo’t hubad sa hallway ng isang hotel sa Quezon City noong Lunes pero patay na matapos ang ilang oras.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang ala-1:30 ng madaling araw nang matagpuang patay ang biktima sa ground floor ng isang hotel sa Brgy. South Triangle, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Jomar Valdez, alas-9:10 ng gabi noong Marso 16 nag-check in umano ang biktima sa Room 404 sa ika-4 na palapag ng hotel.

Bandang alas-11:00 ng gabi, nakita ng hotel room attendant ang biktima na hubo’t hubad habang gumagala sa hallway kaya pinayuhan itong bumalik sa kanyang silid.

Bandang 1:30 ng madaling araw noong Lunes habang nagro-roving ang security guard ng hotel nakarinig umano ito ng malakas na kalabog mula sa kanyang likuran.

Inalam ng guwardiya kung ano ang nahulog at doon bumungad sa kaniya ang duguang katawan ng biktima na nakahandusay sa semento.

Naisugod pa sa East Avenue Medical Center ang biktima pero binawian din ito ng buhay bandang alas-3:39 ng madaling.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya kung nahulog o sadyang tumalon ang biktima.