barbers

Tumang pinatawan ng contempt ng House Committee on Dangerous Drugs

Mar Rodriguez Nov 18, 2023
191 Views

PINATAWAN ng “contempt” ng House Committee on Dangerous Drugs si dating Mexico, Pampanga Mayor Teddy Tumang matapos nitong ilabas ang mga maseselang impormasyon o “confidential information” na hindi nito dapat isiniwalat sa labas ng “executive session” ng nasabing Komite.

Ipinaliwanag ni Surigao del Norte 2nd Dist. Cong. Robert Ace “Alas” S. Barbers, Chairperson ng Committee on Dangerous Drugs, na ang “contempt” laban kay Tumang ay bunsod ng ginawa nitong pagbubulgar o “minaritess” ang mga impormasyon tinalakay sa loob ng Komite.

Sinabi ni Barbers na sa pagpapatuloy ng pagdinig kaniyang Komite patungkol sa mga nasabat na ipinagbabawal na gamot sa lalawigan ng Pampanga. Inusisa o mahigpit na tinanong si Tumang hinggil sa ginawa nitong press conference noong nakaraang October 11, 2023. Kung saan, isiniwalat nito sa kaniyang mga kausap ang ilang impormasyon na napag-usapan sa loob ng executive session.

Binigyang diin ni Barbers na nakasaad sa House rules na mahigpit na ipinagbabawal na Section 7 na may kaugnayan sa pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa Kamara de Representantes ang pagbabawal sa isang “resource person” na inimbitahan sa pagdinig na isiwalat sa labas ng Komite ang anomang impormasyon na pinag-usapan o tinalakay sa loob ng isang Komite.

“We are citing former Mayor Tumang for contempt for violating Section 7 of our rules governing inquiries in aid of legislation, subject to motions for reconsideration. Section 7 prohibits the disclosure of information taken up in the executive session of the House or any of its committees,” paliwanag ni Barbers.

Dahil dito, sising-sisi na humingi ng paumanhin si Tumang sa mga mambabatas matapos nitong ikatuwiran na hindi nito ang alam ang ibig sabihin ng “Committee rules”. Kung saan, ipinahayag ng dating Mayor na ang akala nito ay normal lamang na ikuwento kahit sa kaniyang mga kapitbahay ang napag-usapan sa loob ng “executive session” na itinuring nitong isa umanong ordinaryong usapan.

Ikinatuwiran ni Tumang na hindi nito alam ang Committee rules na nagbabawal sa sinomang indibiduwal na maglabas ng anomang impormasyon na tinalakay sa loob ng isang Komite o sa loob ng executive session.

Subalit para kay Antipolo City Cong. Romeo Acop, hindi aniya sapat na dahilan ang ibinigay ni Tumang para palagpasin ang kaniyang kamang-mangan at pagkakasala gayong dapat nitong malaman ang Committee rules bilang isang “resource person” na inimbitahan ng House Committee on Dangerous Drugs.