Calendar
Tumangay ng motor ng sikyu pumasok sa one-way kalye, bistado
TIMBOG ang 42-anyos na kawatan noong Martes na tumangay ng motorsiklo ng security guard ng sitahin sa paglabag sa batas trapiko sa Valenzuela City.
Dakong alas-11:30 ng gabi nang iparada ng biktimang si alyas Romeo ang kanyang motorsiklo para magpatrulya sa Ever Memorial Garden sa East Service Road, Brgy. Lawang Bato.
Pagbalik niya wala na ang kanyang motorsiklo.
Sa tulong ng isang testigong nakakita sa pagtangay ng kawatan, tinunton ng biktima ang lugar na tinahak ng suspek hanggang makahingi ng tulong sa mga pulis na agad inalarma sa mga kasama ang pangyayari.
Habang nagsasagawa naman ng Oplan Sita ang mga tauhan ni Valenzuela police chief P/Col. Gerson Bisayas, naispatan nila ang pagpasok sa one-way street ng suspek na si alyas Ariel, 42, na walang helmet kaya sinita ang lalaki.
Habang hinahanapan ng pulisya ng lisensya at dokumento para sa Mitsukoshi Marvel 125, dumating ang sekyu at kinilala ang kanyang motorsiklong tinangay ng suspek.
Kasong carnapping ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Valenzuela Prosecutor’s Office.

