Calendar

Tungkulin ng Senado ituloy ang impeachment trial — ilang senador
IGINIIT ng ilang senador na tungkulin ng Senado, alinsunod sa Konstitusyon, na ituloy ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte, kasabay ng nakatakdang pag-upo ng Senado bilang impeachment court sa Hunyo 11.
Ayon kay Senador Joseph Victor “JV” Ejercito sa Kapihan sa Senado, obligadong aksyunan ng Senado ang reklamong impeachment na ipinadala ng Mababang Kapulungan.
“We are duty-bound. Whatever the decision is, I hope we can go back to our normalcy as soon as possible,” aniya.
Ipinaliwanag niya na ang naging pagkaantala ay sanhi ng huling-minutong pagpapadala ng reklamo mula sa Kamara. “5 o’clock talaga last minute din,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel ang naturang obligasyon, batay sa Konstitusyon at sa mga panuntunan ng Senado ukol sa impeachment.
Ipinaliwanag niya na malinaw ang nakasaad sa Konstitusyon na ang paglilitis ay dapat na “forthwith proceed” at ang mga patakaran ng Senado ay nagsasaad na ang impeachment proceedings ay may priyoridad kaysa sa karaniwang lehislatibong trabaho.
“Kung hindi mag ta-trial, mag-violate ka ng Constitution. Impeachment is the obligation of the Senate,” aniya.
Tinukoy din ni Pimentel na bagaman maaaring simulan ng Senado ang mga paunang hakbang tulad ng pagpapadala ng summons at pagtanggap ng tugon mula sa Pangalawang Pangulo, maaaring hindi na umabot ang presentasyon ng ebidensya at buong paglilitis bago matapos ang ika-19 na Kongreso sa Hunyo 30.
Ayon sa kanya, pinapayagan ng proseso ng Konstitusyon ang alinmang hatol—acquittal man o conviction—ngunit kinakailangang isagawa ang paglilitis upang matupad ang hinihingi ng batas.
Samantala, kinatigan ni Senador Alan Peter Cayetano ang pananaw na ito at iginiit na wala umanong ibang opsyon ang Senado kundi gampanan ang tungkuling ipinag-uutos ng Konstitusyon.
“Walang choice ang Senado. We have to carry out our constitutional duty,” ani Cayetano.
Aminado siyang may magkakaibang pananaw sa loob ng Senado at may pangamba na maaaring hindi makuha ang kinakailangang 16 boto upang mahatulan si Duterte, ngunit binigyang-diin niyang hindi dapat ito maging hadlang sa pagsasagawa ng paglilitis.
Ipinaliwanag din ni Cayetano ang isyu ng timing, kung saan ang reklamo ay ipinadala noong Pebrero 5, bago magsimula ang panahon ng kampanya para sa halalan, kaya’t nabawasan ang bilang ng mga araw ng sesyon.
Gayunpaman, iginiit niyang hindi maaaring gamiting batayan ang politika o boto ng mayorya pagdating sa usapin ng Saligang Batas. “Hindi mo pwedeng ipagbotohan kung ano’ng dapat gawin sa Constitution. Malinaw ang nakalagay sa Constitution eh, may trial,” aniya.
Batay sa mga patakaran ng Senado, kapag nabasa na ang articles of impeachment sa Hunyo 11, bibigyan ang Pangalawang Pangulo ng sampung araw upang magsumite ng kanyang tugon.
Pagkatapos nito, may limang araw naman ang mga tagausig mula sa Kamara upang maghain ng kanilang sagot. Sa ganitong takbo ng oras, inaasahang hindi pa maisasagawa ang aktuwal na paglilitis bago magsimula ang ika-20 Kongreso sa Hunyo 30.
Base sa ulat, lumabas sa isang bagong survey na malaki ang suporta ng taumbayan para sa pagsasagawa ng paglilitis, sa halip na agad na ibasura ang reklamo laban kay Vice President Duterte.