Travel

Turismo nakikitang sisigla kapag travel tax inalis na

24 Views

NAGHAIN si Senador Alan Peter Cayetano ng Senate Bill No. 424 na naglalayong ganap na alisin ang travel tax na ipinapataw sa mga Pilipino at sa mga mamamayan ng mga bansang kasapi ng ASEAN.

Sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183, umiiral ang nasabing buwis sa loob ng halos limang dekada.

Sa kanyang paliwanag, iginiit ni Cayetano: “All Filipinos, especially senior citizens and persons with disabilities, must be able to travel freely, without any form of hindrance. This is a right guaranteed by the Constitution.”

Sa panukala, iminungkahi na sa pagtanggal ng buwis ay mas magiging abot-kaya ang paglalakbay para sa mga Pilipino, bababa ang gastos ng mga biyahero palabas ng bansa, at higit na mapalalakas ang turismo at kooperasyon sa rehiyon.

Nilalaman din nito ang probisyong magpapalaya sa mga mamamayan ng ASEAN mula sa travel tax, alinsunod sa ASEAN Tourism Agreement na nilagdaan noong 2002, na layong unti-unting alisin ang ganitong mga bayarin sa mga kasaping bansa.

Batay sa isang pag-aaral ng isang lokal na airline, tinukoy ni Cayetano na habang maaaring mabawasan ang kita ng gobyerno ng humigit-kumulang ₱4 bilyon, tinatayang makalilikha naman ito ng ₱299 bilyong halaga ng aktibidad sa ekonomiya mula sa mas masiglang turismo at paggasta.

Dagdag pa rito, tinukoy sa panukala ang Memorandum Order No. 29 (2023), na nagbibigay ng exemption sa travel tax para sa mga pasaherong umaalis mula sa mga paliparang internasyonal sa Mindanao at Palawan patungong mga destinasyon sa loob ng Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA). Epektibo ang exemption na ito hanggang Hunyo 30, 2028.

Ayon kay Cayetano, ipinagpapatuloy ng panukalang ito ang adhikaing unang isinulong ni dating Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III noong ika-19 na Kongreso. Binigyang-diin niya: “It is high time to give travelers a break and allow for tourism to flourish by removing one of the barriers to travel.”