Martin1 Tiniyak ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang patuloy na pagbibigay ng Kongreso sa mga importanteng irrigation projects para sa mga magsasaka sa kanyang mensahe sa inagurasyon at turnover ng Solar Powered Pump Irrigation Project sa Bgy. Candating, Arayat, Pampanga. Kuha ni VER NOVENO

Turnover ng solar-powered irrigation systems sa CL pinangunahan ni Speaker Romualdez

23 Views

PINANGUNAHAN ngayong Huwebes ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang ceremonial turn over ng Maunlad na Candating–Sapang Paitan solar-powered pump—isa lamang sa mahigit 20 Solar-Powered Pump Irrigation Projects (SPIPs) na sabay-sabay na ipinagkaloob sa mga farmer-irrigators sa Central Luzon, na kinikilalang “rice granary of the Philippines.”

“President Marcos, maraming salamat po sa suporta ninyo sa ating mga magsasaka at paniniwalang kayang makipagsabayan ang Pilipino sa pinakamahusay na teknolohiya sa mundo,” pahayag ni Speaker Romualdez, kasabay ng pangakong patuloy na suporta mula sa Kongreso sa pamamagitan ng paglalaan ng pondo sa proyekto.

“Sa tulong ng solar irrigation at smart farming, maibabalik natin ang lakas ng produksyon at maaabot muli ang hangaring maging rice exporter,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.

Dumaloy ang tubig matapos na opisyal na buksan ni Speaker Romualdez ang solar-powered pump sa Brgy. Candating, Arayat, Pampanga. Ang makabagong sistema ng patubig ay magbibigay ng tuloy-tuloy at maaasahang suplay ng tubig sa 15 ektaryang sakahan, na dati’y umaasa lamang sa ulan, na pakikinabangan ng mga miyembro ng Maunlad na Candating–Sapang Paitan Irrigators’ Association.

Kabilang sa mga dumalo sa event sina Israeli Ambassador Ilan Fluss, National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eduardo “Eddie” Guillen, Arayat Mayor Maria Lourdes “Malou” Alejandrino, at Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr.

Kabilang sa mga proyektong sabay-sabay na inilunsad ang pitong irrigation system sa Nueva Ecija, 10 sa Zambales, at tig-isa sa Bulacan at Bataan. Dalawa ring irrigation augmentation projects ang pinasinayaan sa Tarlac.

Ang bawat irrigation system ay nilagyan ng typhoon-resistant photovoltaic panels at AI-powered moisture sensors mula sa LR Group ng Israel, na makatutulong sa pagpapababa ng gastos at pagpapataas ng ani ng mga magsasaka.

“This is the future of agriculture, assisted by AI to enhance productivity,” ayon kay Speaker Romualdez. Binanggit din ng mambabatas na ang mga naunang gumagamit nito ay nakapagtala ng higit 25 porsyentong pagtaas sa kanilang ani.

Samantala, pinuri ni Administrator Guillen ang Kongreso sa patuloy na pagbibigay ng pondo para sa mga ganitong proyekto, at binigyang-diin ang mas mababang gastos ng solar irrigation—₱200,000 hanggang ₱300,000 kada ektarya, kumpara sa tradisyonal na pamamaraan.

Ibinahagi ni Gilberto “Apong Bert” Guina, 75, na dati ay gumagastos siya ng ₱30,000 sa diesel sa bawat ani, ngunit ngayon ay nagagamit na ang perang iyon para sa pangangailangan ng pamilya at pagpapabuti ng bukid.

“Dahil sa solar irrigation, hindi na namin iniintindi ang presyo ng diesel. Yung dating ginagastos sa krudo, napupunta na sa ibang pangangailangan: sa pamilya, sa bukid. Malaking tulong talaga,” ayon kay Guina.

Binalikan ni Rey Velasco, presidente ng Maunlad na Candating–Sapang Paitan Farmers’ Irrigators Association, ang mga panahong umaasa lamang ang mga magsasaka sa ulan o kailangang magbuhat ng tubig pataas gamit ang hose. Ayon sa kanya, ang SPIP ay nagdudulot ng muling pag-angat sa kanilang kita at dangal bilang mga magsasaka.

“Noon, sa ulan lang kami umaasa. ‘Pag umuulan lang saka kami masaya. Sobrang hirap po ng tubig dahil nasa taas kami. Kailangan pa naming humingi kung saan-saan ng patubig,” saad ni Velasco.

Iniuugnay ni Speaker Romualdez ang mga pagsulong na ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ang sakop ng solar irrigation sa 180,000 ektarya sa buong bansa upang mapataas ang taunang produksyon ng bigas ng 1.2 milyong metriko tonelada.