Martin2

TVET Bill para sa mga dating drug addict ipinasa na ng Kamara sa ikatlo, huling pagbasa

Mar Rodriguez May 16, 2023
160 Views

MABIBIGYAN na ng pagkakataon ang mga dating drug dependent o mas kilala sa tawag na mga dating “drug addict” para makapag-bagong buhay sa pamamagitan ng House Bill No, 7721 na ipinasa ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa nitong nakalipas na Lunes. (May 15)

Ipinaliwanag ni House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez na layunin ng panukala na bigyan ng mandato ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para ma-institutionalize ang Technical-Vocational Education and Training (TVET) kabilang na dito ang pagkakaroon ng livelihood programs para sa mga dating drug dependent na sumailalim na sa rehabilitation.

Sinabi ng House Speaker na sa pamamagitan ng “overwhelming vote” mula sa 260 kongresista. Inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang HB No. 7721 o ang “An Act Mandating the TESDA to Design and Implement TVET and Livelihood Programs Specifically for Rehabilitated Drug Dependents”.

Ayon kay Romualdez, karamihan sa mga kabataang Pilipino ang labis na nalulong sa ipinagbabawal na gamot subalit matagumpay na sumailalim sa proseso ng rehabilitation. Gayunman, nahihirapan umano silang makihalo sa lipunan dahil sa masamang imahe o “stigma” na nakatatak sa kanilang pagkatao.

Bukod dito, sinabi pa ni Speaker Romualdez na nahihirapan din ang mga dating drug dependent na makakuha ng trabaho dahil naman sa kanilang kakulangan sa larangan ng skills na requirement sa inaaplayan nilang trabaho.

“Many of our citizens who have fallen victim to illegal drugs and have successfully undergone rehabilitation find it very difficult to reintegrate into society as productive citizens not only because of the stigma but also due to the lack of skills needed to land a job,” ayon kay Speaker Romualdez.

Dahil dito, ipinahayag pa ng House leader na kaya layunin ng House Bill No. 7721 na tulungan ang mga dating drug addict na maging bahagi ng tinawag niyang “nation building” sa pamamagitan ng ibibigay nilang kontribusyon para sa ikakabuti ng bansa gamit ang kanilang kaalaman o skills.

Inaatasan din ng panukalang batas ang Director General ng TESDA para maisama sa programa ng ahensiya kasama dito ang budget para sa disenyo at implementation ng TVET at livelihood programs na magtuturo ng skills at iba pang kaalaman para sa mga dating drug dependent na sumailalim na sa drug rehabilitation.

“This measure aims to help them become our partners in nation-building by contributing to the betterment of our country through self-reliance, productivity and being employed in our industries,” dagdag pa ng House Speaker.