Tulfo

Ugnayan ng DSWD, DILG, at LGU, susi sa maayos na pamimigay ng educational assistance

221 Views

MAS maayos at pinadaling proseso ang pamimigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kanilang educational assistance nitong Sabado kumpara noong Agosto 20.

Pinasalamatan ni DSWD Sec. Erwin Tulfo ang tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at mga local government units (LGUs) para maging maayos ang pagbibigay ng ayuda sa mga estudyante noong nakaraang Sabado.

“Salamat una sa lahat sa Panginoong Diyos. Salamat kay DILG Secretary Benhur Abalos at sa kapulisan. Maraming salamat din sa mga mayor at governor na nagpahiram ng facilities at mga tauhan sa city o municipal social welfare office,” ani Sec. Tulfo.

Dagdag pa ng kalihim, “Salamat din sa mga tao na nag-antay sa pila dahil naging pasensiyoso po sila at naiintindihan nila ang sitwasyon.”

Ayon kay Tulfo, 66,000 beneficiary students ang natulungan nitong nakaraang Sabado na umabot sa halagang P168 milyon nationwide.

Pero aminado si Sec. Tulfo, na may konti pa rin silang aayusin na problema tulad ng dagdag pa na payout sites at kung papaano ma-accommodate yung walang cellphone o access sa internet.

“May mga lugar na mahina ang internet o di kaya ay walang load pang-register nila sa DSWD kaya kailangan na pagplanuhan ng mabuti kasi baka biglang dumagsa uli ang walk-in pag binuksan natin kaagad-agad,” paliwanag ni Tulfo.

May apat pa na Sabado na magbibigay ang DSWD ng educational assistance o hanggang September 24.