Calendar

Unang oras ng app sa renewal ng driver’s license dinumog
UMABOT sa 10,000 ang ang-view o bumisita sa online driver’s license renewal system ng Land Transportation Office (LTO) sa unang isang oras matapos maging available sa publiko sa pamamagitan ng eGovPH app.
Ang online platform para sa renewal ng lisensya ay bahagi ng pagsusumikap ng Department of Transportation (DOTr, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na ilipat sa digital platform ang lahat ng transaksyon sa pamahalaan.
Ayon kay Acting Assistant Secretary at LTO Chief Atty. Greg G. Pua, Jr., ipinapakita ng dami ng bumisita na unti-unti nang nagbabago ang paraan ng pag-avail ng mga serbisyo ng gobyerno, at mas pinipili na ng marami ang kaginhawaan ng digital platforms.
“Malaking tulong din ito hindi lang sa mga abalang empleyado rito sa Pilipinas kundi lalo na sa ating milyun-milyong OFWs sa iba’t-ibang panig ng mundo,” dagdag pa niya.
Upang magamit ang app, kailangang i-download at i-install ang eGovPH app sa kanilang smartphones.
Kabilang sa proseso ng app ang security verification upang matiyak ang kaligtasan ng account ng user, isang feature na binuo sa pakikipagtulungan ng Department of Information and Communications Technology (DICT).
Kapag naka-install na at handa nang gamitin ang eGovPH app, gagabayan nito ang user sa bawat hakbang ng transaksyon, hanggang sa pagpili ng courier service para sa delivery.
At nang ilunsad ang app noong Huwebes, naitala ng LTO ang hindi bababa sa 10,000 na access sa loob lamang ng unang isang oras matapos itong ianunsyo.