CAAP

Undas ’25 pinaghahandaan ng CAAP

Jun I Legaspi Oct 26, 2025
183 Views

NAKA-heightened alert ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa lahat ng paliparan bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga pasahero sa Undas 2025.

Naghahanda ang CAAP sa pagdagsa ng pasahero sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2025 ng Department of Transportation (DOTr) mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4, 2025.

Itinalaga ang mga Malasakit Help Desk sa lahat ng paliparan upang tumugon sa mga pangangailangan at alalahanin ng mga biyahero.

Mananatili ring nakaalerto ang mga alagad ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng mga pasahero at nakaantabay ang mga medical team para sa pagresponde sa anumang emerhensiya.

Nakikipag-ugnayan din ang CAAP sa mga awtoridad kabilang ang PNP-Aviation Security Unit (AVSEU), Office of Transportation Security (OTS), Department of Tourism (DOT), Civil Aeronautics Board (CAB) at mga airline upang matiyak ang mabilis at maayos na proseso ng mga pasahero, lalo na sa mga check-in counter.

“Inatasan na natin ang lahat ng area manager na maghanda at mahigpit na ipatupad ang mga kinakailangang hakbang para sa seguridad at kaligtasan ngayong Undas upang masiguro ang maayos na operasyon at kaginhawaan ng mga pasahero,” ayon kay CAAP Director General Raul Del Rosario.

Inaasahan ng CAAP na humigit-kumulang sa 5.8 milyong pasahero ngayong taon ang dadagsa, mas mataas ng 7-10 porsyento noong 2024.