Immigration

‘Undesirable alien’ na Japanese nat’l naaresto ng BI sa QC

Edd Reyes Oct 2, 2024
113 Views

TIMBOG ang Japanese national na nagtago sa Pilipinas bunga ng mga kinakaharap na kasong kriminal sa kanilang bansa nang matunton ng mga awtoridad Martes ng hapon sa Quezon City.

Nasakote ng pinagsanib na puwersa ng Bureau of Immigration (BI), Regional Special Operations Group (RSOG), Regional Intelligence Division (RID) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Ayala Police Sub-Station ng Makati Police ang dayuhang si Sasaki Yohei, 36, dakong alas-3:04 sa tinutuluyang apartment unit sa Queen Residences sa Mercury Street, Brgy. Tandang Sora, Quezon City.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni NCRPO Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. bitbit ng mga awtoridad ang inilabas na Mission Order ng BI nang salakayin nila ang tinutuluyan ng dayuhan dahil sa paglabag sa Philippine Immigration Law at Commonwealth Act No. 613 dahil sa pagiging “undesirable alien”.

Batay sa ulat, nakatakas sa ilegal na POGO operations sa Cambodia si Yohei noong 2023, at miyembro rin siya ng malaking sindikatong Japanese Telecom Scam na nagtatago sa Pilipinas.

Nakalagay din sa warrant na hiningi ni Naoki Matsuda, Chief Inspector ng Omiya Judicial Police na ang pugante ring dayuhan ang bumibili ng mga pangangailangan ng kanilang sindikato at may mga rekord na ng iba’t ibang uri ng krimen tulad ng akyat-bahay at pagnanakaw.

Ayon kay MGen. Nartatez, nasa pangangalaga na ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang dayuhang pugante para ayusin ang mga dokumentong kinakailangan sa posibleng pagpapatapon sa kanya sa kanilang bansa.

May kasamang ulat ni Melnie Ragasa-Jimena