Munsayac

Upang mas maraming matulungan, OVP nakipag-alyansa sa iba pang ahensya

201 Views

Upang mas maraming Pilipino ang matulungan, nakipag-alyansa ang Office of the Vice President sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Ayon kay OVP Spokesperson Atty. Reynold Munsayac nakipag-usap ang OVP sa Department of Health (DOH) upang mas marami itong matulungang mahihirap na nangangailangan ng pambayad sa ospital.

Sinabi ni Munsayac na natukoy ng DOH ang 31 ospital na isasailalim sa Medical Assistance to Indigent Patients Program (MAIPP).

Mula ng manungkulan noong Hulyo 1 ay nagbibigay ang OVP ng medical at burial assistance sa mga nangangailangan.

Nakapagproseso na umano ang OVP ng 5,645 aplikasyon para sa medical at burial assistance na may kabuuang halagang P73,178,564.12 hanggang noong Agosto 26.

Ang nai-release na umanong pondo ay nagkakahalaga ng P36,251,883.74 para sa 3,089 benepisyaryo.

Nakipag-ugnayan na rin ang OVP sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na ipamimigay naman sa mga satellite offices ng OVP.

Ang OVP ay mayroon ding Libreng Sakay program upang matulungan ang mga komuter kapag peak hours.

Mula noong Agosto 3 hanggang 25 ay 32,905 pasahero na umano ang naserbisyuhan ng Libreng Sakay program.

Kapag naaprubahan ang P2.2 bilyong pondo ng OVP para sa 2023 ay asahan na umano na mas marami pang matutulungan ang OVP.