Mulligan

US-based Solar company mamumuhunan ng $900M sa bansa

168 Views

MAGLALAGAY ng $900 milyong puhunan sa bansa ang solar technology company na Maxeon, isa sa mga kompanyang nakausap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagbisita sa Estados Unidos.

Ayon kay Bill Mulligan, CEO ng Maxeon na siyang nagpapatakbo ng SunPower brand sa global markets kasama ang Maxeon brand sa Amerika, Canada, at Japan, ang kanilang pamumuhunan ay lilikha ng 3,000 trabaho.

Sinabi ni Mulligan na kumpiyansa sila sa administrasyon ni Pangulong Marcos kaya nagdesisyon na dagdagan ang pamumuhunan nito sa Pilipina.

“The Philippines has been incredibly important… it’s actually a strategic part of our company. And I want to thank you and I want to thank all of the government agencies for all of the help and the support for the 40 plus years that we’ve been in the country,” ani Mulligan.

Ayon kay Mulligan sisimulan na ang pagpapalawig ng kanilang research and development (R&D) facility sa Cavite, kung saan nasa 2,000 ang nagtatrabaho.

Ang unang pabrika ng Maxeon ay binuksan sa Laguna Technopark sa Biñan City noong 2004.

Nakasama ni Pangulong Marcos sa pagpupulong sina dating Pangulo at ngayon ay Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Speaker Martin Romualdez, Trade Secretary Alfredo Pascual, Finance Secretary Benjamin Diokno, Special Assistant to the President Secretary Antonio Ernesto Lagdameo Jr., Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel G. Romualdez, at Trade Undersecretary Ceferino Rodolfo.