Chi Escudero

Usaping economic Cha-cha may pag-asa sa palit-liderato sa Senado

109 Views

Chi EscuderoANG pagbabago sa liderato ng Senado ay nagbigay umano ng pag-asa na matuloy na ang panukala na amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution ayon sa beteranong abugado at kongresista na si Rep Edcel Lagman ng Albay.

“Itong usapin sa Cha-cha ay tapos na sa Mababang Kapulungan (ng Kongreso) and I have said my piece then and it’s always possible that a change of leadership will also enhance the chances of Charter change,” ani Lagman bilang tugon sa tanong sa isang press conference kung saan natalakay ang pag-apruba ng Kamara sa Divorce bill.

“But let us wait and see. Let the development unfold in the Senate because the House has already approved the Cha-cha resolution,” sabi nito.

Ang tinutukoy ni Lagman ay ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 7, ang bersyon ng panukalang amyenda sa economic provision ng 1987 Constitution na inaprubahan ng Kamara.

Ang Senado ay mayroong katulad na bersyon—ang RBH 6, na akda nina dating Senate President Juan Miguel Zubiri at Sens. Loren Legarda at Juan Edgardo Angara.

Noong nakaraang linggo, nagbitiw si Zubiri bilang Senate President at pinalitan ni Sen. Francis Escudero.

Nagbitiw din ni Angara bilang chairman ng Senate special subcommittee na nagsasagawa ng pagdinig sa RBH 6.

Sa isyu kung ang pagboto sa panukalang Charter change ay magkahiwalay o magkasama, sinabi ni Lagman na ito ay maaaring resolbahin ng Korte Suprema.

“That issue is not resolved in the Constitution. The Constitution is ambiguous. It is possible that issue of joint or separate voting will go to the Supreme Court for a final decision,” sabi ni Lagman.

“Iba ‘yung trabaho ng Kongreso. Sapagkat sa Kongreso, kami ay nagle-legislate ng batas. Iba rin ‘yung trabaho ng constituent assembly na magpropose ng amendments to the Constitution. Kaya duon natin makikita ang pagkaiba. Whether it is joint or separate, palagay ko hindi matatapos ang debate among us. Among senators and congressmen baka umabot sa Korte Suprema,” dagdag pa ni Lagman.

Sa isang forum noong Marso sa San Juan, sinabi ni Lagman na dapat mag-usap ang Senado at Kamara upang resolbahin kung papaano pagbobotohan ang panukalang Charter change.

“Hindi sila gumagawa ng batas, they are exercising constituent powers, ang pag-amyenda ng Saligang Batas. Ngayon, meeting jointly. Voting jointly ba o separately? Yan ang isang malaking question na kailangang ma-resolve ng Korte Suprema,” sabi pa nito.

“Pero sa aking palagay – without any partisanship on the results of voting jointly – eh ang palagay ko voting jointly ito sapagkat unicameral ang constituent assembly, walang senador ‘yan, walang congressman, walang representative, walang Senate,” dagdag pa ni Lagman.