Calendar

Usaping pang-kalusugan ng mga OFWs tututukan ni Magsino pagbalik sa Kongreso
SAKALING siya’y papalaring makabalik sa Kongreso para sa pangalawang termino, tiniyak ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na ang isa sa mga pangunahing tututukan nito ay ang usaping pagkalusugan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sabi ni Magsino na ang isa sa mga prioridad na tinututukan ng OFW Party List Group ay ang pagtitiyak na nabibigyan ng kaukulang proteksiyon ang libo-libong OFWs sa ibayong dagat habang isinusulong din nila para mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
Gayunman, paliwanag ni Magsino na mas pinakamahalaga pa rin aniya ang patutok ng OFW Party List sa kalusugan ng mga OFWs at Migrant workers upang tiyakin na sila’y laging nasa malusog na kalagayan kasama na ang kanilang pamilya.
Binigyang diin ng kongresista na isa sa pinaka-mabigat na hamon na kinakaharap ng mga OFWs kabilang na ang kanilang mga mahal sa buhay ay ang pagkakaroon ng problemang pang-kalusugan partikular na kung sila ay kinapitan ng matinding karamdaman.
Dahil dito, ipinabatid ni Magsino na ang OFW Party List ay mananatiling kaagapay ng mga OFWs at kanilang pamilya sa pagtitiyak na sila ay mabibigyan ng kaukulang atensiyong pang-medikal sa pakikipag-tulungan narin nito sa Department of Health (DOH).
Sinabi pa ng OFW Party List lady solon na magkakaroon na ng access ang mga OFWs at kanilang pamilya sa mga pribado at pampublikong ospital kasama ang mga pribadong institusyon upang sila ay makakuha ng serbisyong medikal sa oras ng pangangailangan.
“Kaya’t patuloy na kaagapay ng ating mga kababayan ang OFW Party List para matulungan natin sila sa kanilang medikal na pangangailangan sa pamamagitan ng pakikipagtulungan natin sa Department of Health. Sila’y mabibigyan ng serbisyong medikal,” sabi ni Magsino.