UST Nagbida ulit ang UST sa UAAP beach volleyball. UAAP photo

UST namayani sa UAAP.beach volleyball

Theodore Jurado Dec 1, 2022
370 Views

NAMAYANI ang University of Santo Tomas sa National University upang makumpleto ang isa na namang golden double sa UAAP beach volleyball tournament kahapon sa Sands SM By The Bay.

Tinuldukan nina Gen Eslapor at Babylove Barbon ang isa na namang perfect season nang manaig sa Finals debutants na sina Honey Grace Cordero at Kly Orillaneda, 21-15, 21-16, upang makamit ng Tigresses ang five-peat.

Dinomina ulit nina Jaron Requinton at Rancel Varga sina James Buytrago at Pol Salvador, 21-16, 21-14, sa rematch ng championship nitong nakalipas na season upang makumpleto rin ang isa ring walang talong kampanya ng Growling Tigers at masukbit ang ikaapat na sunod na titulo.

Ang pinakamatagumpay na programa ng liga sa naturang sport, inangkin ng UST ang ikawalong women’s crown at dinagdagan sa pito ang kanilang men’s championship.

“Sobrang saya and thankful po kami sa mga coaches (Paul Jan Doloiras and Romnick Rico) po namin kasi sila ang nag-hubog ng talento namin. Kaya yung success po, sa kanila po talaga mapupunta. Sa mga coaches po namin,” sabi ni Requinton, na nakuha ang season MVP award.

“Kasi kung hindi dahil sa kanila, sa mahihirap na training na ginawa sa amin, hindi naman kami aabot sa championship at tsaka hindi namin makukuha ang five-peat at four-peat sa beach volleyball,” dagdag ni national team mainstay.

Nagagalak si Requinton na tinulungan niya ang Growling Tigers na manalo ng dalawang titulo sa loon ng isang taon, pagkat tinalo rin ng España-based side ang Bulldogs sathe Season 84 Finals nitong summer.

“Hindi ako makapaniwala na six months po yung agwat. Nakakapagod literal kasi sa national team, defender po ako pero pagdating sa UAAP blocker po ako. Malaking adjustment ang ginawa ko sa akin. Sobrang hindi ako makapaniwala yung mga nangyayari po kanina sa loob ng court para po sa akin,” dagdag pa niya.

Natutuwa naman si Barbon, na nanalo ng ikalawang sunod na MVP, na dalhin ang winning legacy ng Tigresses, kung saan wala silang talo sila ng 37 sunod na laro magmula pa noong 2016.

“Kasi yung goal namin is makuha yung championship and iyon po ang nagawa namin ngayon. Pinagtrabahuan namin ng ilang taon at ito ang bunga ng paghihirap namin,” sabi ni Barbon.

Hindi nilaro ang women’s competition sa Season 84, at para kay Barbon nagbunga rin ang paghihintay ng UST na maipagpatuloy ang dynasty na sinimulan ni Sisi Rondina.

“Sobrang saya po kahit nag-pandemic. Nagawan pa rin namin ng paraan na makapag-training kami and nagawan ng paraan na makuha po yung goal namin, which is yung championship,” sabi ni Barbon.

Bumalik naman ang University of the Philippines sa women’s podium, nang manaig sina Euri Eslapor, nakakabatang kapatid ni Gen, at Alyssa Bertolano kina La Salle’s Justine Jazareno at Jolina dela Cruz, 21-18, 12-21, 15-6.

Kinuha ni Cordero, ang Silay City native, ang Rookie of the Year honors.

Nakamit ng Ateneo ang best finish magmula nang manalo ng titulo sa men noong 2015 nang pinatalbog nina Jian Salarzon at Amil Pacinio sina Far Eastern University’s Vincent Nadera at Jelord

Talisayan, 24-22, 21-16, upang masukbit ang bronze medal.

Ang Bacolod City pride na si Salarzon ay tinanghal na Rookie of the Year.