Valeriano

Valeriano aprub sa CCTV cam sa pribado, pampublikong paaralan

Mar Rodriguez Jan 5, 2024
168 Views

SINASANG-AYUNAN ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang paglalagay ng closed circuit television (CCTV) camera sa lahat ng pribado at pampublikong paaralan sa buong bansa para sa pagpapalakas ng seguridad sa mga eskuwelahan at paglaban sa kriminalidad.

Nauna rito, inihain sa Kongreso ang House Bill No. 9260 na naglalayong bigyan ng mandato ang lahat ng eskuwelahan sa buong bansa na maglatag ng kanilang “security plan” sa pamamagitan ng paglalagay ng mga CCTV sa mga estratehikong bahagi ng kanilang campus.

Sinabi ni Valeriano na napakahalagang magkaroon ng tinatawag na “preventive measures” ang pamunuan ng mga paaralan para malabanan at masawata ang palasak na kriminalidad sa Metro Manila kasunod ng tumaataas na bilang ng karahasan at krimen sa mga eskuwelahan.

Nabatid kay Valeriano na inihayag din ng Commission Education noong Enero, 2023 na tumataas ang bilang ng karahasan at krimen sa loob ng mga paaralan. Bagama’t hindi naman mabatid kung ito’y nangyari sa isang pribado o pampublikong paaralan kabilang dito ang pananaksak at pagkakabaril.

Umaasa naman ang kongresista na sakaling maisa-batas ang HB No. 9260 oobligahin nito ang pamunuan ng mga paaralan na maglagay ng CCTV camera sa loob ng campus na ipagbibigay alam sa mga magulang, mga estudyante at maging sa kanilang mga empleyado.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na layunin ng naturang panukalang batas na mapangalagaan at maprotektahan ang kapakanan at kagalingan o welfare ng mga mag-aaral sa gitna ng lumolobong kasi ng kriminalidad.

“Ang layunin lamang natin dito ay ang mapangalagaan ang kapakanan ng ating mga estudyante. Kaya tayo ay sumasang-ayon sa panukalang batas na ito para maprotektahan ang mga mag-aaral laban sa kriminalidad,” sabi ni Valeriano.