Valeriano

Valeriano: Ginagawa lamang ng MTRCB ang kanilang trabaho

Mar Rodriguez Dec 26, 2023
180 Views

NANINDIGAN ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na ginagawa lamang ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB) ang kanilang trabaho matapos nitong patawan ng labing-apat na araw na suspension ang dalawang programa ng SMNI.

Ipinaliwanag ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano, chairman ng Committee on Metro Manila Development, na ipinakita lamang umano ng MTRCB ang kanilang paninindigan laban sa mga TV programs at shows na lumalabis o umaabuso sa kanilang kapangyarihan.

Ayon kay Valeriano, wala siyang nakikitang masama o “foul” sa ginawa ng MTRCB sapagkat ginawa lamang umano nito ang kanilang tungkulin na patawan ng kaukulang parusa ang sinomang programa sa telebisyon na hindi akma ang ikinikilos sa harapan ng camera tulad ng ginawa ng SMNI.

Bukod dito, ikinatuwiran pa ng kongresista na hindi rin maaaring sabihin na pinag-initan o na-single out ang dalawang programa ng SMNI na pag-aari ni Pastor Apollo C. Quiboloy sapagkat naging patas aniya ang trato ng MTRCB sa lahat ng TV programs at TV shows na sinusuri nito.

“We are pleasantly surprised that the MTRCB leadership can make a stand towards parties it deems to have erred in programming at the very least ito ay pagpapakita ng patas na pagtrato sa lahat ng nasa telebisyon,” ayon kay Valeriano.

Kasabay nito, walang mapagsidlan naman ng kaligayahan ang libo-libong Senior Citizens ng Barangay 155 matapos magdaos ng Christmas Party si Valeriano para sa mga Lolo at Lola sa kaniyang Distrito.

Sinabi ni Valeriano na minsan lamang sa isang taon tulad ng Pasko mabibigyan ng kaligayahan ang mga Lolo at Lola. Kung kaya’t sinamantala na nito ang naturang okasyon para maipakita nito ang kaniyang malasakit ang pagkalinga sa hanay ng mga Senior Citizens.