Valeriano

Valeriano hinamon si Garma na isiwalat lahat ng alam sa EJK

Mar Rodriguez Oct 15, 2024
86 Views

GAYA ng panawagan ng mga miyembro ng House Quad Committee. Hinahamon naman ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano si dating Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO) General Manager at Ret. Police Col. Royina Garma na isiwalat na nito ang lahat-lahat ng kaniyang nalalaman patungkol sa mga krimeng kinasangkutan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa inilunsad nitong “war-against-drugs” campaign.

Pagdidiin ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na tutal ay tumuga na rin si Garma patungkol sa nalalaman nito sa Extra-Judicial Killings (EJK) noong nakalipas na administrasyon ay mas makabubuting lubos-lubusin na umano nito ang pagsisiwalat kung saan dapat ikanta narin nito ang totoong kaugnayan ni Duterte sa mga naganap na patayan.

Naniniwala si Valeriano na imposibleng hindi nalalaman ni Garma ang tunay na kaugnayan ng dating Pangulo sa mga naturang patayan gayong batid naman ng lahat ang pagiging malapit nito sa dating Pangulo dahil sa tiwalang ibinibigay ni Duterte sa kaniya.

Dahil dito, nananawagan ang kongresista kay Garma na mas makabubuting magsalita na ito tungkol sa lahat ng kaniyang nalalaman sa halip na tipirin nito ang mga pinakakawalang impormasyon o kaya naman ay paunti-unti ang kaniyang mga pagbubunyag partikular na sa issue ng nangyaring pagpatay kay dating PCSO Board Secretary Ret. General Wesley Barayuga at kung sino ang nag-utos.

Nauna rito, nais malaman ng Quad Committee ng Kamara de Representantes kung si dating Pangulong Duterte ba ang nag-utos umano para patayin si Bayaruga kung saan ito ang gusto nilang ihayag ni Garma sa kaniyang testimonya.

Hinimok din ni Manila 4th Dist. Rep. Bienvenido “Benny” Abante, Jr., Chairman ng House Committee on Human Rights, si Garma na ilantad na ang lahat ng kaniyang nalalaman sa EJK at tukuyin kung sino ang nag-utos ng mga nangyaring pagpatay sa mga inosenteng biktima.

Kinatigan din ni Valeriano na ang mga isiniwalat ni Garma noong nakalipas na pagdinig ng House Committee ay maituturing na “tip of the iceberg” lamang dahil maaaring mas malalim pa ang usapin kaugnay sa EJK.