Calendar
Valeriano hinihiling imbestigahan ‘iregularidad’ sa implementasyon ng TUPAD
HINILING ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa Kongreso na magsagawa ito ng isang masusing imbestigasyon patungkol sa ma-anomalyang implementasyon ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong kasagsagan ng pandemiya.
Nauna nang ipinahayag ni Valeriano na nais nitong magpaliwanag ang DOLE patungkol sa di-umano’y napa-ulat na iregularidad sa implementasyon ng Tulong Pang-Hanapbuhay sa Ating Displaced – Disadvantaged Workers (TUPAD) noong nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Valeriano na kailangang masusing siyasatin ng Kamara de Representantes ang ipinadalang reklamo ng kaniyang mga constituents sapagkat may mga nabibigyan umano ng benepisyo mula sa TUPAD program kahit hindi naman sila karapat-dapat o kuwalipikado.
Ayon kay Valeriano, ang ipinarating na reklamo ng kaniyang mga constituents ay kahit sino ay nakakatanggap ng “pay-outs” mula sa TUPAD. Habang ang mga tunay na benepisyaryo katulad ng mga senior citizens ay binabawasan o kinikikilan ng malaki ng ilang tiwaling tauhan ng DOLE.
Ipinahayag din ng kongresista na kabilang din sa umano’y iregularidad ay ang direktang pamamahagi umano ng benepisyo sa TUPAD subalit may malaking kaltas sa mga hindi naman kuwalipikado o hindi talaga karapat-dapat makatanggap ng benepisyo.
Binigyang diin ni Valeriano na dapat papanagutin ang mga tiwaling tauhan ng DOLE kabilang na ang kanilang mga kasapakat sa pamamagitan ng hihilingin nitong imbestigasyon ng Kongreso.