Terminator Source: The Terminator FB

Valeriano hiniling kay PBBM na mag-ala Terminator para sugpuin korapsiyon sa NFA

Mar Rodriguez Mar 8, 2024
35 Views

HINILING ni Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na gampanan nito ang pagiging “Terminator” para sugpuin ang korapsiyon sa National Food Authority (NFA).

Iginigiit ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na kailangang sipain ni Pangulong Marcos, Jr. sa puwesto ang mga corrupt officials at empleyado na kumikilos sa loob ng NFA kasunod ng sumambulat na “bigas scam” maliban sa pagsasampa ng kaso laban sa kanila.

Binigyang diin ng kongresista na ang layunin ng kaniyang iminumungkahi ay para maibalik ang tiwala ng mamamayang Pilipino sa NFA na nadungisan bunsod ng panibagong kontrobersiya at maipakita rin ng Pangulo na seryoso siyang sugpuin ang katiwalian sa pamahalaan.

Sinabi ni Valeriano na kailangan pa rin ng isang malawakang pagbalasa sa loob ng ahensiya sa pamamagitan ng pagsibak sa mga tauhan ng NFA na nasasangkot sa kahalintulad na anomalya.

Ipinaliwanag pa ng Manila solon na posibleng may mas malaking “rice cartel” ang kumikilos sa loob ng NFA na dapat masusing imbestigahan ng Kongreso.

Tinutulan din ni Valeriano ang napipintong pagbubuwag ng NFA kasunod ng inilabas na utos ng Ombudsman matapos nitong patawan ng preventive suspension ang nasa 139 opisyal at tauhan ng ahensiya na nasangkot sa “bigas scam”.