Calendar

Valeriano: Kahit araw-arawin pa ako ni VP Sara ‘di mabubura tapat, totoong serbisyo ko
SA gitna ng mga atake sa pulitika mula kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte at dating Manila Mayor Isko Moreno, tumindig si Rep. Rolando “CRV” Valeriano ng Ikalawang Distrito ng Maynila nitong Lunes, na nagsabing walang personal na insulto ang makakabura sa tunay at konkretong serbisyong naihatid niya sa mga taga-Tondo at Maynila.
“Kahit araw-arawin pa nina Sara at Isko ang panlalait sa akin—sa leeg ko, sa tiyan ko, hindi nito mabubura ang tapat at totoong serbisyong naihatid ko sa Ikalawang Distrito ng Maynila,” ani Valeriano.
Binigyang-diin ng mambabatas ng Maynila, na siya ring chairman ng House committee on Metro Manila development, na hindi siya magpapadala sa antas ng mga taong bumababa sa personal na pag-atake.
“Mabubuting tao at may wastong asal po kaming mga taga-Tondo. Hindi kami nakikipagbastusan sa mga bastos,” aniya.
Bilang isang Manileñong lumaki sa Tondo, binigyang-diin din ni Valeriano na ang katapatan sa Tondo ay nakaugat sa prinsipyo, hindi sa kaginhawahan.
“Matatapang din kaming mga taga-Tondo. Hindi kami kakampi o maninikluhod sa kahit na sinong kampon ng kasamaan para lang sa ambisyon. Bagkus, ipaglalaban namin ang tapat at totoo,” aniya.
Sa halip na makisali sa politika ng siraan, sinabi ni Valeriano na ang Asenso Manileño, ang lokal na partidong kanyang pinamumunuan, ay patuloy na nakatuon sa mga tagumpay na may direktang epekto sa buhay ng mga Manileño.
“There are many positive aspects that we in Asenso Manileño choose to focus on, which matter in Manileños’ daily lives,” aniya.
Binigyang-diin ni Valeriano na ang mahalaga sa mga residente ay ang mga resulta na nagpapakita ng responsableng paggamit ng buwis ng bayan.
“The voters want to see results from the taxes they pay. So, we delivered health facilities, police precincts, financial aid and scholarships,” aniya.
“Tangible results are what voters here look for,” dagdag pa niya.
Binanggit din niya ang mga pangunahing proyekto sa kanyang distrito, kabilang ang pagtatayo ng 95 sa 122 barangay halls, kasama ang pangakong tapusin ang natitira pa sa kanyang susunod na termino.
Isinagawa rin ang pagpapahusay sa mga health infrastructure sa pamamagitan ng konstruksyon at pagsasaayos ng Bo. Obrero Health Center at Tayabas Health Center.
Binanggit ni Valeriano ang anim na Police Community Precincts at isang police station na naitatag sa ilalim ng kanyang termino, kasabay ng mga sports facility gaya ng Reina Regente Sports Complex at Patricia Sports Complex, na may kasamang swimming pool, function hall at covered court.
Sa larangan ng edukasyon, binigyang-diin niya ang mga bagong gusali para sa Librada Avelino Elementary School, Lakan Dula High School at M. Hizon, kasama na ang Universidad de Manila Annex, ang kauna-unahang gusali ng unibersidad na itinayo ng isang kongresista sa Maynila.
Kabilang sa mga natapos na community projects sa termino ni Valeriano ang mga basketball court, chapel, daycare center, drainage system, street lighting at road improvements, gayundin ang libreng serbisyong saklaw sa libing, abot-kayang gamot sa pamamagitan ng Botika sa Dos, mobile medical services, at malawakang programa ng scholarship at financial assistance.