Valeriano

Valeriano kinakalampag ang MMDA, LTO, LTFRB

Mar Rodriguez Oct 23, 2023
146 Views

Para matuldukan road rage sa Metro Manila 

KINAKALAMPAG ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFR) para matuldukan na ang sunod-sunod na kaso ng road rage.

Nagpahayag ng labis na pagkadismaya si Valeriano matapos na isang kaso na naman ng “road rage” ang naganap sa Metro Manila na kinasasangkutan ng driver ng ten wheeler truck na si Marlon Ilas makaraang sadyang sagasaan at ipitin nito ng kaniyang truck ang driver ng ELF van na si Benjamin Bagtas.

Dahil dito, sinabi ni Valeriano na masyadong nakapanlulumo ang mga naganap na pangyayari. Sapagkat sa kabila ng mga ipinapatupad na paghihigpit ng pamahalaan laban sa mga abusado at sangganong driver ay nakakalusot parin ang mga barumbadong driver na gaya ni Ilas.

Bunsod nito, hinahamon ni Valeriano ang MMDA, LTO at LTFRB para agad na aksiyunan ang lumalalang problema ng road rage sapagkat mistulang nagiging “normal” na lamang umano na mayroong nangyayaring krimen sa kalsada bagama’t napapanagot sa batas ang salarin.

“Sobrang nakapanlulumo kung panonoorin mo ang video at kung papaano sinasagasaan ng driver ng ten wheeler yung biktima. Hindi na makatao ang ganun dahil parang hindi mo iisipin na magagawa iyon ng isang normal na tao. Nananawagan tayo sa MMDA, LTO at LTFRB para kumilos na sila sa problemang ito, hindi maaaring isama na lamang sa statistics ang insidenteng ito,” ayon kay Valeriano.

Binigyang diin ng kongresista na kailangang magbigay din ng pahayag ang LTO kung papaano at bakit nabibigyan ng lisensiya ang mga katulad ni Ilas na wala sa tamang pag-iisip dahil hindi umano gagawin ng taong may normal na pag-iisip ang sagasaan at ipitin ng truck ang kapwa niya driver.

“Nananawagan ako sa LTO. Ano ang reaction nito sa insidenteng ito? Ang tanong ko ay bakit nabigyan ng lisensiya si Ilas na ang tingin ko parang hindi normal ang kaniyang pag-iisip. Gawain bai to ng isang normal na tao? Kaya dapat itong ipaliwanag ng LTO, kailangan nilang sumagot sa isyung ito,” sabi pa ni Valeriano.