Valeriano

Valeriano kinatigan pahayag ni De Lima sa Quad Committee

Mar Rodriguez Oct 24, 2024
60 Views

Valeriano1KINATIGAN ni Manila 2nd Dist. Rep. Rolando “CRV” M. Valeriano ang mga naging pahayag ni dating Senadora Leila de Lima sa nakalipas na pagdinig ng House Quad Committee patungkol sa patong-patong na kasong maaaring kaharapin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaugnay sa madugong war on drugs at extrajudicial killings (EJK) na inilunsad nito.

Ipinahayag ni De Lima sa ika-siyam na pagdinig ng Quad Committee ng Kamara de Representantes na pinamumunuan ng lead chairman nito na si Surigao del Norte 2nd Dist. Rep. Robert Ace S. Barbers na maaaring maharap si Duterte sa kasong crime against humanity hinggil sa EJK na nakaugnay sa war-on-drugs campaign ng kaniyang nagdaang administrasyon.

Iginiit pa ni De Lima na sa ilalim ng RA No. 9851 ang mga nasabing krimen ay walang piyansa kung saan pupuwedeng patawan ng parusang habang buhay na pagkakabilanggo ang sinomang makakasuhan patungkol dito.

Sinang-ayunan ni Valeriano ang mga naging testamento ni De Lima sa naturang House investigation kung saan binanggit nito ang itinatakda ng Republic Act No. 9851 na nagbibigay kahulugan para maparusahan ang sino mang indibiduwal na nasangkot sa crimes against international humanitatian law, genocide at iba pang crimes against humanity katulad sa kasong posibleng kaharapin ni Duterte.

Sabi ni Valeriano na layunin ng House Quad Committee ang mabigyan ng katarungan ang lahat ng mga naging biktima ng war on drugs na inilunsad ng Duterte administration. Sa kasamaang palad, libo-libong inosenteng sibilyan ang mga naging biktima.

Pinapurihan naman ni Valeriano si Police Lt. Col. Jovie Espenido matapos nitong bawiin ang mga binitiwan nitong mga kasinungalingang testimonya sa Senate investigation laban kay De Lima noong 2016.

Ayon sa kongresista, matapos ang mabahang panahong paghihintay lumabas din ang katotohanan na ang lahat ng mga naging pahayag laban sa dating Senadora ay puro mga kasinungalingan lamang na ang layunin ay supilin si De Lima dahil sa pagiging numero unong kritiko ni Duterte.