Valeriano

Valeriano nakikiisa na rin sa panawagang i-ban ang POGO sa PH

Mar Rodriguez Jun 14, 2024
103 Views

𝗡𝗔𝗞𝗜𝗞𝗜𝗜𝗦𝗔 𝗻𝗮 𝗿𝗶𝗻 𝘀𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗺𝗴𝗮 𝗸𝗮𝗽𝘄𝗮 𝗻𝗶𝘁𝗼 𝗺𝗮𝗺𝗯𝗮𝗯𝗮𝘁𝗮𝘀 𝗻𝗮 𝘁𝘂𝗹𝘂𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝘀𝘂𝘀𝗽𝗲𝗻𝗱𝗶𝗵𝗶𝗻 𝗮𝘁 𝗺𝗮𝗴𝗽𝗮𝘁𝘂𝗽𝗮𝗱 𝗻𝗴 “𝘁𝗼𝘁𝗮𝗹 𝗯𝗮𝗻” 𝗮𝗻𝗴 𝗴𝗼𝗻𝘆𝗲𝗿𝗻𝗼 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗹𝗮𝗵𝗮𝘁 𝗻𝗴 𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗳𝗳𝘀𝗵𝗼𝗿𝗲 𝗚𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻 (𝗣𝗢𝗚𝗢) 𝘀𝗮 𝗯𝘂𝗼𝗻𝗴 𝗣𝗶𝗹𝗶𝗽𝗶𝗻𝗮𝘀 𝗯𝘂𝗻𝘀𝗼𝗱 𝗻𝗴 𝗹𝘂𝗺𝗮𝗹𝗮𝗹𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗿𝗼𝗯𝗹𝗲𝗺𝗮 𝗻𝗮 𝗶𝗱𝗶𝗻𝘂𝗱𝘂𝗹𝗼𝘁 𝗻𝗶𝘁𝗼 𝗮𝘁 𝗶𝗯𝗮 𝗽𝗮𝗻𝗴 𝗶𝘀𝘀𝘂𝗲 𝗻𝗮 𝗻𝗮𝗸𝗮𝗸𝘂𝗹𝗮𝗽𝗼𝗹 𝗱𝗶𝘁𝗼 𝗽𝗮𝘁𝗶𝗸𝘂𝗸𝗮𝗿 𝗻𝗮 𝘀𝗮 𝘀𝗲𝗴𝘂𝗿𝗶𝗱𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮.

Nananawagan din si Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, sa Kamara de Representantes para magkaroon ng isang malalim na imbestigasyon patungkol sa di-umano’y pagsalakay ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa isang POGO hub sa lalawigan ng pampanga.

Binigyang diin ni Valeriano na panahon na para mabungkal ang katotohanan hinggil sa patuloy na operasyon ng POGO sa Pilipinas at malaman kung sino ba talaga ang nasa likod ng operasyon nito. Kung saan, aniya, maaaring mataas na opisyal ang puma-padrino para dito kaya hindi matinag ang POGO.

Ayon kay Valeriano, napakahalaga ng isasagawang pagsisiyasat sapagkat kinakailangan talagang malaman kung sino-sino ang mga taong totoong nagma-may-ari ng mga lupa, building at pasilidad na gunagamit ng POGO. Kabilang na aniya ang kompanyang nagpapatakbo ng POGO.

Sinuportahan din ni Valeriano ang isinampang “Anti-POGO” Bill ng Makabayan Bloc sa Kamara na naglalayong ipagbawal at gawing krimen ang POGO operations sa gitna ng mga kontrobersiyang kinasasangkutan nito.

Paliwanag ni Valeriano, nilalapastangan umano ng mga POGO hub ang batas ng Pilipinas dahil ang kanilang operasyon ang pinagmumulan ng iba’t-ibang krimen kabilang na ang pagpatay at bentahan ng illegal na droga.

“Masyado ng nakakaalarma ang operasyon ng POGO sa ating bansa. Dapat ng kumilos ang ating gobyerno. Kami naman sa Kongreso ay kikilos din para maipagtanggol ang ating bansa laban sa POGO,” wika ni Valeriano.