Calendar
Valeriano nananawagan sa PNP na maging alerto din sa Metro Manila
Kasunod ng pangbo-bomba sa MSU
NANAWAGAN ang chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Manila 2nd Dist. Cong. Rolando “CRV” M. Valeriano sa Philippine National Police (PNP) na maging alerto sila kasunod ng pangbobomba sa Mindanao State University (MSU).
Mariing kinondina nina Valeriano at House Assistant Majority Leader at Quezon City 5th Dist. Cong. Patrick Michael “PM” D. Vargas ang nasabing insidente na ikinasawi ng apat na katao habang 50 ang sugatan.
Nanawagan si Valeriano sa mga otoridad na bantayang mabuti ang Metro Manila para masagkaan ang kahalintulad na insidente sa Marawi City. Sa gitna ng abala o masyadong busy ang lahat ng tao dahil sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Ipinaliwanag ni Valeriano na hindi dapat magpatumpik-tumpik o kaya naman ay patulog-tulog sa pansitan ang PNP at iba pang law enforcement agencies dahil maaari silang masalisihan ng mga tinatawag na “lawless elements” at posibleng maghasik din ng kaguluhan sa Kalakhang Maynila.
“Nananawagan tayo sa ating mga otoridad sa Kamaynilaan na maging alerto. Gayundin sa ating mga mamamayan, dahil itong mga panahong ito ay masyadong busy ang lahat ng mga tao dahil sa panahon ng Kapaskuhan. Kaya dapat lamang na maging mapagmatyag tayo at hindi natin alam kung ano ang balak nila,” ayon kay Valeriano.
Sinabi ni Vargas na dapat maging alerto ang mga kapulisan at iba pang law enforcement agencies o security personnel lalo na sa mga mataong lugar katulad ng mga shopping mall para mapigilan o kaya naman ay maiwasang mangyari sa Metro Manila ang nangyaring insidente sa Marawi City,
Naniniwala si Vargas na madadakip sa lalong panahon ang mga salarin sa nangyaring pangbo-bomba sa MSU upang mabigyan ng katarungan ang sinapit ng mga biktima partikular na ang namatay na 4 na sibilyan.