Valeriano

Valeriano OK sa imbestigasyon ng Kamara vs Gonzales

Mar Rodriguez Aug 30, 2023
213 Views

SANG-AYON si Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano na magsagawa ng imbestigasyon ang Kongreso patungkol sa kasong kinasasangkutan ni dating Police Officer 1 (PO1) Willie Gonzales matapos ang ginawa nitong pangba-batok at panunutok ng baril sa isang siklista.

Binigyang diin ni Valeriano, Chairperson ng House Committee on Metro Manila Development, na napaka-halagang matutukan ng pagsisiyasat ay kung papaano na ang gay ani Gonzales na isang retiradong pulis ay nagagawa pang “mangduro” o manindak ng mga inosenteng sibilyan.

Dahil sa pangyayaring ito, tahasang sinabi ni Valeriano na ang ipinakitang pag-uugali ni Gonzales laban sa pobreng siklista ay wala umanong ipinagkaiba sa isang kriminal na walang kinatatakutan at walang iginagalang. Gayong siya (Gonzales) ay isang dating tagapagpa-tupad ng batas.

Kinukuwestiyon din ni Valeriano kung bakit nakakapag-dala pa ng baril si Gonzales sa labas ng kaniyang tahanan. Sa kabila ng siya ay isang retiradong pulis at wala ng dahilan o business pa para magbitbit ng armas na isa umano sa mga dapat tutukan ng isasagawang imbestigasyon ng Kongreso.

Ikinatuwiran pa ng mambabatas na hindi karapat-dapat mag-armas ang mga katulad ni Gonzales na maiinitin ang ulo. Kasunod ng muling pag-uusisa ni Valeriano kung sino ang nagbigay ng pahintulot sa nasabing dating pulis na magdala ng baril sa labas ng kaniyang tahanan ng walang opisyal na kadahilanan.

“It is right to opine that Congress investigates the matter for why is that policeman agitated and bolstered with a gun in possession threatens the life of a powerless? He displays a criminal mind and so indeed he must be de-weaponized. He has retired but does he have business or operation outside home to carry a weapon,” ayon kay Valeriano.

Kaugnay nito, sinabi naman ng Chairman ng House Committee on Public Order and Safety na si San Rosa City Lone Dist. Congressman Dan S. Fernandez na nakahanda niyang aksiyunan ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa oras na matanggap na nito ang sulat mula kay House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez.

Tiniyak din ni Fernandez sa publiko na sakaling simulan na nila ang masusing pagsisiyasat hinggil sa kaso ni Gonzales ay sisikapin nilang ito’y maging parehas at makatuwiran. Bagama’t sinasabing umatras na ang siklista sa pagsasampa ng kaso laban sa dating pulis.

“We can take action on that issue once we receive a letter from the Speaker as a matter of fact on Wednesday (August 30, 2023) we will have a hearing on illegal buy-bust operation and if such request will be ask if we can still insert that issue on that same hearing,” sabi ni Fernandez.